Puso ko’y may sugat matapos panain
Ni Kupidong pana ay lubhang matalim;
Bosog nang tumama sugat ay malalim
Tumagos sa aking luray na damdamin!
Kaya mula noon ang pusong sugatan
Humanap ng lunas sa dibdib ng hirang;
Ang mutyang dalaga’y isang paraluman
Na para sa aki’y isang Bathaluman!
Kahit nagdurugo ang pusong may sugat
Bosog ni Kupido’y binunot ko agad;
Sa puso ng Mutya ito’y itinarak
Kaya dalwang puso ang ngayon ay wasak!
Dalwang pusong wasak ngayo’y pinag-isa
At sa malaking puno na maraming sanga;
Dalwang puso kaming tinuhog sa isa —–
Habambuhay kaming laging magkasama!
Dalwang puso kami na nagmamahalan
Bumagyo’t bumaha di-naghihiwalay;
Ngunit isang gabi kami’y nagulantang
Pagka’t mayro’ng sunog kami’y dinadarang!
Ang nasabing sunog pagkalaki-laki
Sa tindi ng takot ay nagyakap s’yempre
Itong si Kupidong noo’y nasa tabi
Ay muling kumilos at pinana kami!
Bosog ni Kupido’y muling naramdaman
Mga sugat nami’y dumugo na naman;
Ang puno’y bumagsak sariwa’t matibay
Kahi’t nakatumba sa dagta’y nabuhay!
Kami’y nabuhay ding masaya’t malungkot
Datnan at panawan ng maraming unos;
May mga sandaling ang tuwa ay lubos
Pagka’t nauupo’y dalwang magsing-irog!
Kahit nakahilig ang punong nabuhay
Mga puso kaming walang kamatayan;
Pilyong si Kupido’y laging nakabantay
Pinapana kami sa gabi at araw!