ANG kasong ito ay tungkol sa isang 40 ektaryang lupain na sakop ng Cadastral Survey 452-D (Cad 452-D). Noong Nobyembre 21, 1997, nagsampa sa Metropolitan Trial Court (MTC) ng pitong aplikasyon ang kompanyang BEPI upang mapatituluhan ang siyam na magkakatabing lupa na may sukat na 93,838 metro kuwadrado na sakop ng Cad 452-D. Sa parehong petsa, isang kompanya rin, ang BBPI, ang nagsampa ng tatlong aplikasyon para sa ilang bahagi ng nasabing lupa na may sukat naman na 73,436 metro kuwadrado.
Nang malaman ng pamilya Malinao ang tungkol sa aplikasyon ng BEPI at ng BBPI, agad silang gumawa ng oposisyon laban dito. Ayon sa kanila, pag-aari nila ang 442,892 metro kuwadradong lupa na sakop ng Cad 452-D kasama na pati ang lupang hinahabol ng dalawang kompanya. Hiningi nila sa husgado na ituring ang kanilang oposisyon bilang aplikasyon na rin sa pagpapatitulo ng lupa.
Pagkatapos, nagsampa na rin sila ng aplikasyon sa Regional Trial Court (RTC) upang mapatituluhan ang Cad 452-D at upang itama ito sa tunay na sukat na 404,139 metro kuwadrado. Ang BEPI naman ang kumontra sa aplikasyon ng pamilya Malinao. Ayon sa BEPI, dalawa ang lumalabas na aplikasyon ng pamilya, isa sa MTC at isa sa RTC.
Samantala, dinismiss ng MTC ang aplikasyon ng BEPI at BBPI. Diumano, hindi saklaw ng kapangyarihan nito ang tungkol sa pagpapatitulo sa lupa. Dahil sa nangyari, hindi rin tinanggap ng RTC ang mosyon ng BEPI na idis miss ang kaso ng pamilya Malinao. Tama ba ang RTC?
Oo. Una sa lahat, habang nakabinbin na sa RTC ang aplikasyon ng pamilya Malinao nadismiss naman ang aplikasyon ng BEPI sa MTC. Kaya magmula noon wala nang ibang kaso maliban sa aplikasyon ng pamilya Malinao kaya’t walang posibilidad na magkaroon ng dalawang desisyon. Ito lamang ang panganib na iniiwasan sa tinatawag nating “forum shopping”. Ang forum shopping ay ang pagsasampa ng iba’t ibang kaso sa iba’t ibang hukuman tungkol sa parehong partido at may kinalaman sa iisang usapin. Ang layunin nito ay ang magkaroon ng desisyon pabor sa tao o partidong sangkot. Hindi ito pinapayagan sa ating batas.
Pangalawa, ang pagpapasa ng oposisyon ng pa milya Malinao sa MTC ay hindi dapat na ituring na isang aplikasyon na maghahadlang sa pagsampa ng ibang aplikasyon tungkol sa kabuuan ng nasabing lupa.
Pangatlo, ang aplikasyon ng pamilya Malinao ay may kinalaman sa isang mas malaking lupa na sakop pati ang mga lupang hinahabol ng BEPI. Ang pinagkaiba ng sukat ng dalawang lupa ay sapat na upang hindi idismiss ang kaso. Kahit pa nga matuloy ang kaso sa MTC, ang magiging desisyon dito ay tungkol lamang sa 93,868 metro kuwadrado at hindi sa mas malaking bahagi na umaabot ng 300,000 metro kuwadrado.
Panghuli, kung ididismis ang kaso sa RTC, wala na ring maiiwang remedyo sa pagitan ng pamilya Malinao at ng BEPI lalo at nadismis naman na ang kaso sa MTC. Ang pagtutuloy ng kaso sa RTC ang pinakamainam na gawin. Ang batas sa forum shopping ay ginawa upang mas maayos na maipatupad ang batas. Hindi dapat na sobrang literal ang gamit nito kung ang magiging epekto naman ay ang paghadlang sa mabilis na pagdedesisyon ng kaso (Calinisan vs. Court of Appeals et al., G.R. 158031 November 20, 2007).