MARAMI ang nakapanood kung paano mapatalsik sa kanyang makapangyarihang posisyon si House Speaker Jose de Venecia. Si JDV ay beses na nahalal bilang Speaker. Natanggal si JDV pero ayon sa kanya laban iyon sa kanyang kagustuhan, Kagagawan aniya iyon ng mga taong natulungan at nakinabang sa kanya.
Tinutukoy na ang nasa likod ng pagpapatalsik kay JDV ay ang pamilya ni President Arroyo partikular ang dalawang anak nito na sina Pampanga Rep. Mikey Arroyo at Camarines Sur Rep. Dato Arroyo sa tulong ng mga ibang mga matataas na opisyal ng Kampi. Ang Kampi ang personal na partido ni GMA na ang chairman ay si DILG Sec. Ronnie Puno.
Hindi na rin naitago na ang ugat daw ng pagpapatalsik kay JDV ay nang idawit ni Joey de Venecia, anak ni JDV, si First Gentleman Mike Arroyo at pati na rin si Pangulong Arroyo sa NBN/ZTE deal. Ito rin ang dahilan kung bakit nag-resign si Comelec chairman Benjamin Abalos.
Inaasahan na simula pa lamang ito ng matinding palitan ng mga paratang mula ng gabing patalsikin ang dating speaker nang isiwalat nito ang ilang “baho” na diumano ay kagagawan ng mga Arroyo at ng mga kaalyado. Sinabi ni JDV na marami pa siyang isisiwalat laban sa mga Arroyo at sa administrasyon.
Palagay ko kapana-panabik ang kahahantungan ng kontrobersiyang ito. Ang nakakatakot lang lumalabas na sangkot din sa kaguluhang ito ang mga halal ng taumbayan — ang representatives. Sana nga ay kung ano ang makakabuti sa mamamayan ang manaig sa mga nasabing kaganapan.