EDITORYAL — Asan ang pulis, holdapan sa banko ay malimit
POLICE visibility ang pangako ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Avelino Razon Jr. Kapag may pulis na nakikita sa lansangan, panatag ang mamamayan at ang mga kawatan ay napipigilan sa pagsalakay. Kung may pulis na nagroronda at nakabantay, tiyak na ang krimen ay hindi aakyat sa mataas na level.
Pero ang pangako ng PNP chief ay tila bulaklak lamang ng dila sapagkat sunud-sunod ang holdapan sa mga banko at tila hindi na mapipigil dahil walang pulis na nakikita sa paligid. Makikita lamang ang mga pulis makaraan ang panghoholdap at nakatakas na ang mga kawatan. Alikabok na lamang ang kinain ng mga pulis. Kakahiya ang nangyaring ito.
Noong Martes dalawang magkasunod na holdapan ang naganap sa Quezon City at kumitil ng isang buhay at sumugat sa dalawa. Unang hinoldap ang Anson’s Supermarket sa Project 3, QC dakong 9:30 ng umaga. Patungo ang kahera sa nakaparadang van dala ang P500,000 sa bag. Biglang lumitaw ang mga holdaper at pinagbabaril ang dalawang escort. Patay ang escort. Inagaw sa kahera ang pera at mabilis na tumakas.
Ang ikalawang insidente ng panghoholdap ay naganap dakong 11:00 ng umaga. Hinoldap ng may 20 lalaking armado ang UnionBank sa Timog Avenue, QC. Natangayan ang banko ng P100,000. Nagpaputok ang mga holdaper at pati ang gulong ng armored van ay binaril.
Noong nakaraang linggo, hinoldap din ang isa pang banko sa may West Avenue. Walang ipinagkaiba sa nangyari sapagkat 20 suspected robbers ang nagpaputok din ng baril. Bagama’t kaunti lamang ang nakuhang pera sa teller, ang pinagdiskitahan ng grupo ay ang mga alahas, pera at cell phone ng mga customers. Nilimas ang ari-arian ng mga holdup victim. Ang nakapangingilabot ay nagpaputok pa ng kanilang mga baril bago umalis. Isang gasoline boy ang nahagip ng bala.
Sa mga sunud-sunod na nangyayaring kaso ng panghoholdap sa Quezon City, maitatanong kung saan ba naroon ang mga pulis at kapag nakatapos na ang mga holdaper sila dumarating. Bakit lagi silang nalulusutan? Nasaan na ang pangako ni Razon na magkakaroon na ng kapanatagan ang mamamayan. Nasaan na ang pangakong police visibility?
- Latest
- Trending