NGAYON malalaman kung talagang malakas pa si House Speaker Jose de Venecia para mapanatili ang posisyon bilang House Speaker. Naaawa rin ako sa kanya. Noong isang araw, Na-‘‘political talk” siya ni Presidente Arroyo. Pinangakuang pananatilihin ang status quo sa Kamara de Representante. Nagpatawag pa “kuno” ng golf game ang Pangulo kasama sina de Venecia at ang katunggali niya sa speakership na si Prospero Nograles at iba pang political figures upang ayusin ang kanilang gusot. Kahapon dapat ginanap ang laro pero di sumipot ang Pangulo at si Nograles. Bokya si JDV.
Talaga yatang wasak na ang “rainbow coalition” na pundasyon ng JDV leadership sa House of Reprentatives. Ewan ko lang, baka naman may iba pang twist of events na mangyayari ngayon. Ang nasa likod umano sa ouster move ay ang dalawang Kongresistang anak ng Pangulo na sina Mikey at Dato. Nang “nagpapasaklolo” si JDV sa Pangulo, matindi ang kantiyaw sa kanya ni Mikey. Nagtatago raw ang magiting na Speaker sa palda ng Pangulo.
Until the last minute, kampante si JDV. Pero batay sa mga recent developments, tila tapos na nga yata ang maliligayang araw niya. Hindi puwedeng menusin ang abilidad ni JDV bilang speaker. Limang termino siyang nanungkulan at ito’y hindi biro. Pero kung sakaling tuluyan siyang tumalsik sa puwesto, huwag sana siyang maging sore loser. Ganyan talaga ang politika. Kung may dapat sisihin sa pangyayari, walang iba kundi ang anak niyang si Joey na nagbulgar ng “maanomalyang” ZTE broadband deal na nagbigay ng dungis sa imahe ng Pangulo, lalo na ng kanyang asawang si FG Mike Arroyo.
In the last analysis, rejoice Manong JDV! Sa mata ng mga naniniwala sa maanomalyang ZTE deal, ikaw at ang iyong anak ay bayani. Ganyan naman ang na rarapat. Kung may alam tayong katiwalian, dapat itong ilantad sa liwanag (but for the right reason).