Adel ng Pamantasan

KAHAPON ginanap ang opisyal na pagtanghal kay Atty. Adel Abbas Tamano bilang pampitong pangulo ng isa sa pinaka-hinahangaang pamantasan sa bansa, ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Ang PLM ay itinatag ng Kongreso ng Pilipinas noong 1965 para mabigyang pagkakataon ang mga magagaling at mata­linong mag-aaral ng Lungsod ng Maynila na makapag-aral sa kolehiyo. Noon ay tanging mga pribadong unibersidad at mga iilang State Colleges and Universities ang maaring tunguhan ng nais makapagtapos. Hindi biro ang matrikula sa pribado at napakahigpit naman ng kompetisyon sa UP at iba pa para maging iskolar ng bayan.

Ang PLM ang unang pamantasan sa Pilipinas na LIBRE ang MATRIKULA para sa kuwalipikadong resi­dente ng Lungsod. Sagot ng Maynila ang tuition bilang serbisyo –— sabay tulong na rin ito sa pagtaas ng antas ng edu­kasyon sa lipunan. Kaydami nang parangal ang ginawad sa PLM, huli na rito ang pagkilala ng CHED at ng PRC bilang Top 5 University sa Pilipinas. Ang halim­bawa ng PLM ay tinularan na sa maraming mga lungsod at probinsiya na nagtatag na rin ng kanya-kanyang lokal na pamantasan.

Ang pagtalaga kay Atty. Adel Tamano bilang Pangulo ng PLM ay mainit na tinanggap ng mga mamamayan ng Maynila. Si Atty. Tamano ay nagsilbing boses ng katwiran noong kasagsagan ng kampanya ng 2007. Sa kanyang mahinahong tono at malinaw na pagpa­ pali­wanag, libu-libong Pilipino ang nagtiwala sa bawat salitang binigkas. At ang kanyang kontribusyon ay kini­lala hindi lamang ni Mayor Lim at ng Konseho ng May­nila, kung hindi na rin ng mga matataas na opisyal ng Pa­mahalaan na nakiisa sa kanyang inauguration kahapon: President Joseph Estrada, Senate President Manny Villar, Sens. Chiz Escudero, Alan Cayetano, Nene Pi­men­tel, Noynoy Aqui­no, Jamby Madrigal, Jinggoy Estrada, Mar Roxas, Serg Osmeña, Manong Maceda, Justice Consuelo Ynares-Santiago, Mayors Jojo Binay, Toby Tiangco, JV Ejercito, Korina San­chez, Leah Navarro, Manolo Quezon at si Ms. Susan Roces. Ma­layo ang mararating ni Pres. Tamano. Mapa­lad siya at ang PLM na maging magkadikit saan man makarating.

Show comments