Adel ng Pamantasan
KAHAPON ginanap ang opisyal na pagtanghal kay Atty. Adel Abbas Tamano bilang pampitong pangulo ng isa sa pinaka-hinahangaang pamantasan sa bansa, ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Ang PLM ay itinatag ng Kongreso ng Pilipinas noong 1965 para mabigyang pagkakataon ang mga magagaling at matalinong mag-aaral ng Lungsod ng Maynila na makapag-aral sa kolehiyo. Noon ay tanging mga pribadong unibersidad at mga iilang State Colleges and Universities ang maaring tunguhan ng nais makapagtapos. Hindi biro ang matrikula sa pribado at napakahigpit naman ng kompetisyon sa UP at iba pa para maging iskolar ng bayan.
Ang PLM ang unang pamantasan sa Pilipinas na LIBRE ang MATRIKULA para sa kuwalipikadong residente ng Lungsod. Sagot ng Maynila ang tuition bilang serbisyo –— sabay tulong na rin ito sa pagtaas ng antas ng edukasyon sa lipunan. Kaydami nang parangal ang ginawad sa PLM, huli na rito ang pagkilala ng CHED at ng PRC bilang Top 5 University sa Pilipinas. Ang halimbawa ng PLM ay tinularan na sa maraming mga lungsod at probinsiya na nagtatag na rin ng kanya-kanyang lokal na pamantasan.
Ang pagtalaga kay Atty. Adel Tamano bilang Pangulo ng PLM ay mainit na tinanggap ng mga mamamayan ng Maynila. Si Atty. Tamano ay nagsilbing boses ng katwiran noong kasagsagan ng kampanya ng 2007. Sa kanyang mahinahong tono at malinaw na pagpa paliwanag, libu-libong Pilipino ang nagtiwala sa bawat salitang binigkas. At ang kanyang kontribusyon ay kinilala hindi lamang ni Mayor Lim at ng Konseho ng Maynila, kung hindi na rin ng mga matataas na opisyal ng Pamahalaan na nakiisa sa kanyang inauguration kahapon: President Joseph Estrada, Senate President Manny Villar, Sens. Chiz Escudero, Alan Cayetano, Nene Pimentel, Noynoy Aquino, Jamby Madrigal, Jinggoy Estrada, Mar Roxas, Serg Osmeña, Manong Maceda, Justice Consuelo Ynares-Santiago, Mayors Jojo Binay, Toby Tiangco, JV Ejercito, Korina Sanchez, Leah Navarro, Manolo Quezon at si Ms. Susan Roces. Malayo ang mararating ni Pres. Tamano. Mapalad siya at ang PLM na maging magkadikit saan man makarating.
- Latest
- Trending