LAST Friday, may love letter ako from Atty. Jerry Gwen L. Conde, General Manager ng Leyte Electric Cooperative II (Leyeco II) nabigyan siya ng espasyo sa Editorial page dahil patas ang ating pahayagan ito ay bilang reaksyon sa column ko last Huwebes.
Kesa malinawan nga lang ako ay dumami ang aking katanungan.
Una rito sinasabi ni Jerry na wala raw reklamo laban sa kanya ang mga residente ng limang barangay sa Tacloban na nasunugan noong September 12, 2006 at ganundin ang local na pamahalaan ng nasabing lungsod. Pinagmalaki rin niya na nakatanggap pa siya ng papuri for a “job well done.”
Naku ha!
Tanong lang ng mga kuwago ng ORA MISMO, kung totoo ang sinasabi ni Jerry, bakit naman nagkaroon pa ng request ang barangay chairmen na mag-rally papunta sa opisina ng Leyeco II. Hindi naman siguro para pasalamatan si Atty. Conde. Sino kaya ang nagsisinungaling?
May hawak ang mga kuwago ng ORA MISMO na liham ni Mayor Alfredo Romualdez ng Tacloban City na pirmado rin ng buong konseho na hinihingi nila sa liderato ng National Electrification Administration (NEA) na alisin si Atty. Jerry Gwen L. Conde. Kung magaling siya at epektibo, bakit naman nila gagawin iyon? Asking lang po, Attorney?
Pangalawa ay pinagpipilitan ni Jerry na legal ang productivity pay nila. Question lang po ulit ng mga kuwago ng ORA MISMO, hindi ba sa lahat ng kompanya, lalo na anumang corporation at lalo na isang cooperative gaya ng Leyeco II ay kailangan ang approval ng board. Hindi ba totoong walang board approval ito?
Mas alam ho sa akin iyan ni Atty. Conde because his a lawyer.
Puwera pa rito ang sulat na tugon ni NEA Deputy Administrator for Electric Distribution Utility Services na malinaw na nagsasabing bawal ang naturang productivity pay base sa evaluation ng NEA.
Bagama’t maliit tingnan ang total na halaga kung ikukumpara sa ibang mga questionable na transaction sa ating bansa (mahigit P2 million lamang ito), malaki pa rin ito at hindi dapat ginagawa dahil pera ito ng ordinaryong mamamayan.
Pangatlong isyu, sabi ni Atty. Conde hindi raw lugi ang naturang kooperatiba. Maaaring tama siya rito pero tanong ko lang po, bakit dapat bigyan ng pabuya na walang approval sa board at pinagbabawal ng NEA ang mga opisyal nito lalo na at pera ito ng mga consumers kaya nga tawag dito ay cooperative. Mas tama sana ay babaan ang presyo ng kuryente sa nasabing lugar na siyang tiyak ikaliligaya ng mga miyembro nito.
Dear readers, huwag kayong mag-alala, abangan n’yo pa ang susunod na kabanata rito. Meron pang ibang isyu na nais kong sagutin ni Atty. Conde hindi sa akin kung hindi sa mga mamamayan ng Leyte nasasakupan ng Leyeco II.
Atty. Conde, magpaliwanag ka kaya kay DOE Sec. Angelo Reyes at kay Edita S. Bueno ang kasalukuyang administrator ng NEA?
Atty. Conde, sasabihin ko sana sa presinto ka na magpaliwanag pero komo abogado ka, siguro ang dapat ay sa mamamayan ka magpaliwanag.