MABAGSIK ang lamok na Aedes Egypti. Ang lamok na ito ang nagdadala ng nakamamatay na dengue at ngayon ay patuloy na nagkakalat ng lagim sa maraming lugar sa bansa kabilang ang Metro Manila.
Lalo pang nabagabag ang marami nang sabihin ng weather expert na hanggang Hunyo pa ang La Niña. Ibig sabihin ng La Niña ay ang pananalasa ng pag-ulan kahit sa panahon ng summer. At kung madalas ang pag-ulan, tiyak na maraming lamok na may dengue ang makapangingitlog at maghahasik pa ng lagim.
Payo ng Department of Health (DOH) na wasakin ang mga posibleng tahanan ng mga lamok — mga basyong bote, biyak na goma, paso, lata, drum at iba pang istakan ng tubig. Sabi ng DOH hindi makatutulong ang pagpapausok para malipol ang mga lamok. Ang pagsira sa mga tahanan ng lamok ang pinakamabuting gawin para walang pangitlugan. Isa rin umano sa mga tahanan ng lamok na may dengue ang mga maruruming estero.
Sintomas ng dengue ang pagkakaroon ng lagnat na tumatagal ng isang linggo, pagsusuka, pagkakaroon ng mga pantal sa balat at kulay itim ang dumi. Kailangang magpakunsulta agad sa doctor para makatiyak na hindi dengue ang dahilan ng mga nabanggit na sintomas.
Tatlong siyudad sa Metro Manila ang minomonitor ng DOH — Quezon City, Manila, at Caloocan City dahil sa pagkakaroon ng mga kaso ng dengue. Ayon sa DOH, tumaas ng 141 percent ang mga kaso ng dengue na naitala sa San Lazaro Hospital. Umano’y umabot sa 380 kaso ng dengue ngayong buwang ito kumpara noong January 2007 na 158. Limang bata naman ang naiulat na namatay sa Navotas dahil sa dengue.
Ang pagtulong ng Asian Development Bank para ganap na malipol ang mga lamok na may dengue sa bansa ay kapuri-puri. Naglaan ng $100,000 technical assistance program ang ADB para matulungan ang Pilipinas sa paglaban sa dengue. Nababahala ang ADB sa lumalalang kaso ng dengue sa bansa. Nanawagan ang ADB na magtulung-tulong para masugpo ang mga lamok na nagdudulot ng dengue.
Maglinis ng kapaligiran para ang mga lamok na may dengue ay walang matirahan. Makakaya silang lipulin sa pagtutulungan.