OBSERBASYON ng kakilala kong abogado na puwedeng maharap sa kaso ng pandaraya sa eleksyon si Vice President Noli de Castro kahit pa dinismis na ng Presidential Electoral Tribunal ang protesta ni Sen. Loren Legarda kaugnay ng pandaraya sa nakalipas na vice presidential polls.
Ayon kay Atorni, 80-counts ng election fraud ang puwedeng ikaso kay Vice President Noli de Castro sa Lanao del Sur pa lang kaugnay ng 2004 vice presidential election.
Okay naman kay Loren na madismis ang kaso pero hindi sa dahilang “walang ebidensya” gaya ng tinuran ng PET kundi dahil sa abandonment. Ibig sabihin, nga‑yong Senadora na si Loren, wala na siyang interes maghabol sa posisyon ni de Castro. Pero masakit daw ang loob ni Loren dahil ang ginawang dahilan ng PET ay “kawalan ng ebidensya” gayung nagdudumilat daw ang katibayang iprinisinta ng kanyang kampo. Ayon kay Atorni, puwedeng ibase ang 80 counts sa 80 pekeng election returns (ERs) mula sa Lanao del Sur na iprinisinta ni Legarda bilang ebidensya ng pandaraya sa harap ng PET.
Peke umano ang 80 ERs mula sa Kongreso ayon sa pahayag sa PET ng Ernest Printing at ng noo’y Comelec chair na si Benjamin Abalos, na nagsabing walang security markings ang mga ito. Ikinumpara rin ang sinasabing fake Congress ERs sa genuine ERs na mula naman sa Comelec, NAMFREL, Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) at ERs mula sa ballot boxes. Sa genuine ERs ay si Legarda ang nagwagi sa Lanao del Sur, ngunit sa pekeng ER ay si De Castro ang “nanalo.” Ang pekeng ERs ay patunay rin na nagkamali ang PET sa pagdismis sa protesta ni Legarda batay sa sinabi nitong pagkabigo umano ni Legarda na magbigay ng ebidensya.
Anang igan ko, ang umano’y pekeng ER ay sumuporta rin sa mga report na ang Batasang Pambansa kung saan itinabi ang mga Congress ER ay pinasok ng ilang beses upang mapalsipika ang mga ER doon. Well, well, talking about “fake Ers” – to err is human but to deliberately or intentionally err is another story that merits further investigation kung ang hangarin natin ay malinis ang buong sistema ng gobyerno lalo na pagdating sa eleksyon.