PUTAK nang putak. Iyan ang isang kahinaan ng Philippine National Police (PNP) sa kasalukuyan. Sa halip na ang atupagin nila ay ang paghanap sa mga pinaghihinalaan o mismong mga kriminal para masampahan ng kaso, inuuna nila ang pagdakdak. Saan ka naman nakakita na inuuna nilang ibrodkas ang may kaugnayan sa kasong kanilang hawak. Hindi ba’t dapat itikom muna nila ang bibig tungkol dito at magsasalita lamang kapag mayroon na silang magandang resulta. Kaya ang nangyayari, nakatatakas at naglalahong parang bula ang mga taong kasangkot sa krimen.
Isa pang kapuna-puna sa PNP ay ang kanilang pagpapasaring o pagpaparinig (insinuate) tungkol sa kasong kanilang hinahawakan. Hindi sila ang tipong mananahimik muna at kapag may matibay nang ebidensiya ay saka lamang lalantad para ibigay ang pinal nilang desisyon. Hindi ganyan ang PNP. Kaya nga makatwiran ang sinasabi ng ilan na dinadaan ng PNP sa “witch-hunt” ang lahat ng kanilang iniimbestigahan. Kapag tinamaan, okey, kung hindi e di hindi. Hindi nga naman kahiya-hiya kung pumalpak sa kanilang iniimbestigahan.
Ang “witch-hunting” ng PNP ay malinaw na nakikita sa isyu na isa umanong lady reporter ang tumulong kay Marine Capt. Nicanor Faeldon para makatakas habang nagkakagulo sa Manila Peninsula noong Nov. 29, 2007. Sabi pa ng PNP, binigyan daw ng PRESS ID si Faeldon kaya nakalusot ito sa mga sundalong nakabantay sa lobby ng Manila Pen. Ilang linggo nang paulit-ulit na sinabi ng PNP na isang babaing reporter na kulot ang buhok ang tumulong kay Faeldon. Marami tuloy female journalists ang nagsitaasan ang kilay sapagkat maaari isa sa kanila ang sinasabi ng PNP. Nakapagtatakang hindi naman mapangalanan ng PNP kung sino ang babaing reporter. Halatang binibitin-bitin ng PNP ang ukol sa isyu ng babaing reporter at tila may iba silang pinaghahandaan.
Iisa ang dahilan kung bakit ginagawa ng PNP ang pagbibitin-bitin sa kasong ito: Para magkaroon ng justification ang kanilang pag-aresto sa mga mamamahayag habang nagaganap ang standoff. Gusto nilang makaligtas sa maling ginawa sa mga mamamahayag kaya “gumagawa” sila ng paraan. Ipinalabas na ang kuha ng TV network RPN-9 na kausap ng reporter na si Dana Batnag ng Jiji Press.
Wala namang makitang katibayan na tinulungan nga ni Batnag si Faeldon para makatakas. Mahirap ang ginagawang “witch hunting” ng PNP. Kung may sapat silang katibayan kay Batnag.