HUWAG muna tayong masyadong seryoso ngayon. Sa harap ng mga mabibigat at nakaiinis na isyu, kailangan natin ng comic relief. Sabi ng Bible, “laughter is the best medicine.”
Pag-usapan natin ang nalalapit na presidential elections sa US of A. Mayroon daw isang bantog na teroristang ibig kumandidato sa pagka-Pangulo ng Amerika. Sino? Eh di si Obama bin Laden.
Nagtutunggali sina Barrack Obama at Hilary Clinton sa pagka-presidential candidate ng Democrats. Malakas din ang hatak ni Clinton. Hila-rito, hila-roon. Pero sino man sa kanila ang palarin (assuming the Republicans will lose) first in US history sila. Si Clinton ang magiging kauna-unahang babaeng Pangulo ng Amerika o kaya’y si Obama ang unang Negrong Pangulo. Kung magtatagumpay.
Sa Republican Party, nagpapakitang gilas si John Mc Cain. Sana sa presidential elections sa Pilipinas, magkaroon tayo ng isang tulad niya. Marami kasing naghihirap na Pilipino na wala nang Mc-Kain.
Sa local politics, marami na raw Lakas-CMD Congressmen ang lumilipat na ng kampo. Either sa Liberal Party (Roxas wing) o sa Nacionalista Party ni Manny Villar. Tsk, tsk..dapat nang palitan ang pangalan ng LAKAS at gawing KALAS. Baka naman wala nang datung ang Lakas. Wala-Cash.
Mukhang ngingisi-ngisi lang Department of Justice at ang ka-tulisan, eheste kapulisan sa pag-aalburoto ng media sa pag-aresto sa maraming media practitioner sa kainitan ng Manila Pen siege nung isang taon. Pagsikil daw ito sa press freedom. Kung mangyayari muli, kakaibang freedom ang ipaglalaban natin: Freedom of the preso. Oh siya — let’s all go to prison for the sake of freedom.
Mag-seryoso na tayo. Alam n’yo ba na may anak si International chief terrorist Osama bin Laden na kumokondena sa ama dahil sa paghahasik ng lagim nito? Si Omar bin Laden ay iprinoklama ang sarili bilang international ambassador of peace. Aniya, matagal na silang hindi nagkikita ng kanyang tagu-nang-tagong ama. Pero may panawagan siya. Itigil na ang walang saysay na paghahasik ng lagim dahil ang kailangan ng daigdig ngayon ay kapayapaan. Mabuhay ka Omar! Ang inyong relihiyong Islam ay nangangahulugan ng kapayapaan. Nagtataka ako kung bakit may nagsasabing tagasunod sila ng Islam pero kabaligtaran ng kapayapaan ang inihahasik.