EDITORYAL — Manigarilyo at mamatay
NOONG nakaraang linggo ipinagdiwang ang National Cancer Conciousness Week. Layunin ng pagdiriwang na ipaalam sa taumbayan ang paglaban sa sakit. Ang pag-detect sa sakit ang mabisang paraan para ito maagapan. Kung matutuklasan agad ang kanser, malaki ang posibilidad na maaagapan at makaliligtas ang pasyente.
Maraming kampanya ang gobyerno kung paano maiiwasan ng bawat isa ang kanser. Marami rin namang grupo ang nagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad para maimulat ang taumbayan sa pag-iwas sa sakit. Ang Kapisanan ng May K sa Pilipinas (KMKP) na pinamumunun ni Prof. Vim Nadera ng UP-Diliman at ni Dr. Luis Gatmaitan ay nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad noong nakaraang linggo. Ang kanilang tema ay “Kanser ay iwasan, healthy lifestyle ang panlaban”.
Habang ang gobyerno at mga grupo ay walang tigil para maimulat ang taumbayan sa pag-iwas sa sakit, patuloy din naman ang mga malalaking kompanya ng sigarilyo sa pag-aanunsiyo ng kanilang produktong sigarilyo. Bumabayad nang mahal para mai-promote ang kanilang produktong naghahatid ng kanser sa baga.
Ang kanser sa baga ang isa sa mga numero unong sakit na dumadapo sa mga malalakas manigarilyo. Hindi lamang sa Pilipinas maraming namamatay sa kanser sa baga kundi sa ibang bansa man. Itinuturing na numero unong sakit sa mundo na pumapatay ang kanser sa baga — malalaki o mababae ang naninigarilyo.
Ang Department of Health (DOH) ay nangangamba na sa 2010 ay papalo sa 18,000 Pinoy ang may kanser sa baga dahil sa labis na paninigarilyo. Ayon sa DOH, posibleng lumobo sa 13,566 ang mga kalalakihang may kanser sa baga at 4,132 naman sa mga kababaihang may kanser. Ayon naman sa huling data ng National Cancer Registry, tinatayang nasa 11,228 na may lung cancer ang namatay na. At kung hindi umano mapipigilan ang pagka-addict sa sigarilyo, madadagdagan pa ang mga may kanser sa baga.
Isang magandang paraan na dapat gawin ng gobyerno para mabawasan ang bilang ng mga namamatay sa paninigarilyo ay ang pag-iimposed nang mataas na buwis sa sigarilyo. Taasan ang tax para kaunti na lamang ang maninigarilyo.
- Latest
- Trending