Kami ay nagb’yaheng palabas ng bansa
Ang tinungo namin ay lupang sagana;
Doon ay masaya at laging payapa
At ang mga tao ay may disiplina!
Singapore ang bansa na aming nasapit -–
Kay ganda ng lugar at napakalinis;
Kay luwang ng kalye at sa mga gilid
May halama’t puno na kaibig-ibig!
Magmula sa airport at hanggang sa lunsod
Walang makikita kahi’t isang billboard;
Di katulad ditong kinumers’yal ang roads
Kaya kung may bagyo ay nagiging salot!
Nang aming marating ang pusod ng s’yudad,
Kay lalaking building sa ami’y tumambad;
Saka nang gumabi ay nagliliwanag –
Mura ang kuryente -– may ilaw ang lahat!
Ilang araw kami roon sa Sentosa
Ang pook na iyon ay pasyalan pala;
Doon ay may bird show na kahanga-hanga
Pagka’t mga ibon sumasayaw, kumakanta!
Doon ay sinakyan bantog na cable car
At saka nakita elepanteng nagsasayaw;
Gayundin ang dolphins na napakagaslaw
At pati ang fountains – iba’t-ibang kulay!
Kahanga-hanga ring doo’y panoorin
Ang underwater world -– aliw sa paningin:
Isdang maliliit, barakuda’t pating
Paikut-ikot lang sa lawang salamin!
Ah kung tayo lamang ay mayro’ng ganito
Itong ating bansa’y tiyak ang asenso;
Sa dami ng mga tanawing magarbo —
Mamamayan nati’y maraming trabaho!
Sa naturang bansa’y kay sarap mamasyal
At kung p’wede sana’y habambuhay na lang;
Sapagka’t natantong sa nasabing lugar
Walang nagra-rally –- walang kaguluhan!
Doon daw ang sabi parang walang Pasko
Pero Paskong lagi sa dami ng tao;
Mga pamilihan ay walang peligro
Walang nandaraya, walang nanloloko!