WALANG kuwenta na talaga ang mga preso at kulungan natin, pati na ang mga nagbabantay nito. Isang dating pulis na nahatulang may sala sa kasong murder ay nakatakas mula sa kanyang kulungan sa Batangas sa pamamagitan ng paglalagari sa kandado. At saan naman nakakuha ng lagaring bakal ito at nagamit pang lagariin ang kandado? May bisita bang nagregalo ng cake na may lamang lagari, tulad ng napapanood sa mga cartoons? Anong klaseng mga bantay meron ang kulungan na ‘yan sa Calaca, Batangas? Talaga naman!
Ganyan na nga ang estado ng mga kulungan natin ngayon. Bulok. Kailan lang, si Jalosjos nakalabas nang walang pumigil at nakauwi sa Zamboanga. Rapist itong pinag-uusapan natin, isang kasuklam-suklam na krimen. Tapos, hindi naman mahanap si dating congressman at convicted murderer na si Jose Villarosa, na pinayagang maospital dahil sa pneumonia. Hindi ito mahanap ng mga otoridad ng New Bilibid Prisons sa Makati Medical Center at sa St. Luke’s Medical Center. Pero lumalabas na lumipat lang pala ng kuwarto matapos maoperahan, ayon naman sa asawa niya na si Rep. Amelita Villarosa. Mga taga-NBP ang naghanap sa kanya, na sila rin ang naglagay ng mga bantay kay Villarosa saan mang ospital siya mapunta. Ang tatalino! Ilan pa ang nakatakas sa mga lumipas na buwan? Maya’t maya, may nababalitaan na lang tayong nakatakas. Di kaya pinatakas?
Mukhang gusto naman talaga palayain na ng DOJ lahat ng bilanggo, lalo na yung mga kilala at matitindi ang mga kaso. Maging mabait ka lang, mababawasan na ang sentensiya mo, kahit ano pa ang ginawa mong krimen. Kahit kinain mo pa ang utak ng pinatay mo, tulad ni Manero. Tapos, ang media naman ang bibigyan ng babala ng pinuno ng DOJ, na sumasailalim naman ang Bureau of Corrections, na huhuliin sila kapag hindi sumunod sa mga otoridad sa mga oras ng krisis! Magaling! Magaling talaga ang DOJ, ngayong nakabalik na ang pinuno nito na si Raul Gonzales. Kung siya na siguro ang masusunod, malaya na rin sina Mayor Sanchez, Teehankee, at lahat na ng bilanggo. Siguro para may lugar na para sa media! Ayusin mo siguro ang sarili mong lugar, bago kayo magbigay ng anumang payo sa ibang tao, lalo na sa media, na ginagawa rin naman ang trabaho nila.