Editoryal - Konkretong halang sa kalsada mapanganib sa motorista
PUNUMPUNO ng plano si Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando para sa ikaaayos at ikabubuti ng Metro Manila. Naka-pokus ang kanyang tingin hindi lamang sa pagpapagaan ng daloy trapiko sa Metro Manila kundi pati na rin sa pagtataboy sa mga naglipanang vendor sa kalsada, nagkalat na basura at ganundin sa mga barung-barong na sa gilid ng estero na nagpapalala sa baha. Sa mga naging chairman ng MMDA, si Fernando ang masasabing pinakasikat. Paano’y may magandang resulta ang kanyang mga rosas na ideya. Napapansin ang kanyang mga ginagawa at siguro kung papalarin siyang maging Presidente ng bansa (na dream niya sa 2010) maaaring bumangon ang bansang ito mula sa kumunoy ng kahirapan.
Pero hindi lahat ng mga naisip na plano ni Fer nando ay masasabing tanggap ng publiko. Mayroon din siyang mga gawang palpak. At isa na riyan ay ang mga inilatag na konkretong halang (barriers) sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. Palpak na gawa dahil sa halip na makabuti sa mga moto-rista, kapahamakan ang dulot. Marami nang nagbubuwis ng buhay dahil sa konkretong halang sa kalsada. Ang mga konkretong halang na ito ang itinuturong dahilan ng mga malalagim na aksidente.
Ngayong buwan na ito, sunud-sunod ang mga aksidente na sinagasa ang mga concrete barriers sa EDSA, Commonwealth at Mindanao Avenues sa Quezon City; C5 Road, Ortigas Ave. at Shaw Blvd. at iba pang mga pangunahing kalsada. Karaniwang nangyayari ang aksidente sa gabi.
Ang mga konkretong halang ay kadalasang inilalagay kung saan may U-TURN slot. Ihahanay ang mga konkretong halang at ito ang magsisilbing hati sa kalsada kung saan dapat mag-U-TURN ang mga sasakyan. Pero masyadong delikado ang mga halang na ito lalo na sa gabi sapagkat wala namang ilaw o reflector para makita ng motorista.
Buwelta ni Fernando, ang mga motorista ang dapat sisihin kung bakit may mga nababangga sa konkretong halang. Hindi raw nag-iingat. Hindi dapat isisi sa halang ang mga nangyayaring aksidente.
Para gumaan ang trapiko kaya naisip ni Fernando ang paglalagay ng mga halang na konkreto. Pero gumaan ba ang daloy ng trapiko? Hindi! Nagdulot pa nga ng pagbubuhul-buhol lalo pa sa EDSA. Maliit kasi ang kalsada kaya hindi kinakaya ang volume ng mga sasakyang mag-U-U-TURN. Naisip ba ito ni Fernando? Dapat naisip niya ito. Balak pa naman niyang pamunuan ang bansa sa hinaharap.
- Latest
- Trending