^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Ubusin ang Abus!

-

KAMAKAILAN lang sinabi ng Armed Forces of the Philippines na ngayong 2008 ay mauubos na nila ang mga teroristang Abu Sayyaf. Kaunti na lamang umano ang mga miyembro ng teroristang grupo kaya madali na para sa kanila na mapulbos ang mga ito. Umano’y nasa 200 na lamang ang mga miyembo ng Abu at walang maiturong tunay na lider maka­raang mapatay noong nakaraang taon si Khadafy Janjalani. Kahit na kinupkop ng Abus ang dalawang Indonesian terrorists na nambomba sa Bali, hindi na raw naibalik ng grupo ang dating lakas na ma­ngidnap at maghasik ng lagim. Makakaya na raw ng AFP katulong ang Philippine National Police na ma­bali ang gulugod ng Abus ngayong taon 2008.

Pero nagkamali yata sa pagtaya ang AFP sa lakas ng Abus sapagkat bumanat na naman ang mga ito at isang Katolikong pari ang kanilang walang awang pinatay sa Tawi-Tawi. Ito ba ang sinasabi ng AFP na kaya nilang pulbusin ngayong 2008. Nagkamali nga yata ang AFP at PNP sapagkat ang mga pumatay sa paring si Fr. Jesus Roda, OMI ay hindi man lang na­tugis. Hanggang ngayon blanko ang mga awtoridad kung paano makakakamit ng katarungan ang kawa­wang pari.

Nagdarasal si Fr. Roda kasama ang ilang guro sa chapel ng Notre Dame of Tabawan dakong 8:30 ng gabi nang biglang dumating ang 10 Abus at kinalad­kad palabas ang pari. Pagdating umano sa isang basketball court ay binaril sa ulo si Fr. Roda. Nama­tay noon din ang pari. Tumakas ang mga terorista at sapilitang isinama ang isang lalaki na nagnganga­lang Omar Taup. Si Fr. Roda ang ikatlo sa mga pari ng OMI na pinatay ng mga terorista.

Marami nang nalagas sa Abus pero patuloy pa rin silang naghahasik ng lagim at pati mga pari ay walang awang pinapatay. Kung sino ang mga walang kalaban-laban ay iyon ang kanilang pinapatay. Maski mga sibilyan ay hindi sila nangingiming pumatay. Mayroong pari sa Basilan na bago nila pinatay ay binunot muna ang mga kuko sa paa at kamay. May dala­wang gurong lalaki na kanilang pinugutan ng ulo at isinabog ang mga iyon sa isang palengke. May babaing guro na tinapyasan nila ng suso. Sila rin ang pumugot sa ulo ng 10 marines na tinambangan sa Basilan noong nakaraang taon.

Patunayan ng AFP at PNP ang kanilang sinabi na matatapos na ang pamamayagpag ng Abus sa bansang ito. Huwag nang patagalin pa ang mga taong walang awa kung pumatay sa mga sibilyan at alagad ng Diyos. Nararapat lamang na malipol na ang masasama para magkaroon ng kapanatagan ang bansang ito. Pagsikapan nang maubos ang Abus.

ABU SAYYAF

ABUS

ARMED FORCES

BASILAN

JESUS RODA

RODA

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with