EDITORYAL — ‘Maliliit na isda’ ang nalalambat
NIREPORT ng Presidential Anti-Graft Commis-sion (PAGC) na 33 government officials na ang kanilang kinasuhan dahil sa corruption. Sa 33 opisyales na kinasuhan, 22 rito ang sinibak na sa puwesto, pito ang sinuspinde at apat ang nireprimand.
Sa report naman ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) patuloy daw nilang iniimbestigahan ang pitong corruption cases na kinasasangkutan ng P1.404 billion. Naka-freeze umano ang mahigit P1.36 billion ng laundered funds at ibinalik na nila ang mahigit sa P955 million sa mga biktima ng iba’t ibang krimen. Sinabi pa ng AMLC na sa huling mga buwan ng 2007 patuloy nilang iniimbestigahan ang iba’t ibang krimen na kinasasangkutan ng money laundering activities. Sa kabuuang bilang, umabot sa P877,583 million ang pondo na kanilang iniimbestigahan mula sa iba’t ibang illegal activities.
Sa unang tingin ay tila maganda at tagumpay ang kampanya sa corruption ng Arroyo administration. At pati si President Arroyo ay nagpakita ng kagalakan sapagkat ni-review niya ang anti-corruption campaign. Naniniwala siya na sa kampanya ng gobyerno laban sa corruption ay ang mamamayan ang makikinabang. Nanaig ang paglaban ng pamahalaan sa corruption at kasunod nito ay ang paglago ng ekonomiya. At kapag malago ang ekonomiya ang taumbayan ang makikinabang.
Nagsalita si Mrs. Arroyo sa meeting ng National Security Council at National Anti-Poverty Commission na ginanap sa Malacañang noong Martes. Masaya ang Presidente at sinabi rin na kabilang sa tatalakayin sa meeting ay ang diskusyon ukol sa mga corrupt na opisyal na iniimbestigahan at mga sinibak sa puwesto. Sa dakong huli, nanawagan si Mrs. Arroyo na magtulung-tulong at magkaisa para umunlad ang bansa.
Magandang malaman na patuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga corrupt. Pero mas matutuwa ang sambayanan kung ang “malalaki at matatabang isda” ang malalambat para masigurong wala nang magnanakaw sa pera ng taumbayan. Imbestigahan din ang mga inaamag nang kaso gaya nang sumusunod: Ang P780 milyong fertilizer scam ni Jocjoc Bolante; Pangingikil ni dating DOJ Sec. Hernando Perez ng $2 milyon kay Mark Jimenez kaugnay sa Impsa deal; ang kontrobersiyal na Diosdado Macapagal Highway at ang P500 milyong suhol ng Piatco.
- Latest
- Trending