^

PSN Opinyon

Comelec banta sa atin

SAPOL - Jarius Bondoc -

UNANG sinabi ‘yon ni National Security Adviser Norberto Gonzales tatlong buwan makalipas ang May 14, 2007 elections. Aniya ang pinaka-matinding banta sa seguridad na bansa ay ang Commission on Elections. Walang kurap niya ‘yon nilantad nu’ng Agosto 10, 2007, ika-44 anibersaryo ng National Defense College of the Philippines, institusyong naghahasa sa opisyales ng militar, gobyerno at pribado sa pambansang kaayusan.

Nu’ng mga panahong ‘yon, meron nang hugung-hugong na may mataas na tao sa Comelec na nango­ngomisyon sa national broadband deal. Pero hindi pa pinapangalanan sa isang privileged speech ni Rep. Carlos Padilla si noo’y-Comelec chief Benjamin Abalos bilang opisyal na malimit bumiyahe sa Shenzhen sagot ng ZTE Corp. na nagbabalak mag-supply ng $330-milyong overpriced broadband equipment sa Pilipinas. Nu’ng mga panahon ding ‘yon, nagtatago na si Maguin­danao election supervisor Lintang Bedol, matapos iwala ang certificates of canvass ng probinsiya upang pag­takpan ang pandaraya niyang ginawa para sa adminis­tration senatorial candidates. Malala rin ang naging botohan sa ibang pook; pati sa Bataan na probin­siya ni Gonzales ay matindi ang dayaan sa bilangan, takutan at bilihan ng boto — mga kaganapang hindi mapigil ng Comelec. Maraming kandidato ang napatay bago at makalipas ang halalan. Walang pinagkaiba sa sitwasyon nu’ng nakaupo pa bilang Comelec commissioner si Virgilio Garcillano, na ang pangalan ngayon ay ipinangangahulugan na ng garapalang pandaraya sa eleksiyon.

Ang naging epekto ng masamang palakad ng Comelec sa eleksiyon nu’ng 2004 at 2007 ay ang pagka­wala ng tiwala ng taumbayan sa sistema. Kinukuwestiyon na ng madla ang uri ng demokrasya sa Pilipinas — demokrasyang para lamang sa mayayaman at maka­pangyarihan, lalo na mga pulitiko. At ang kawalan ng tiwala ay mapanganib para sa seguridad ng bansa, dahil mananaig ang mga kalaban ng estado.

Alam ni Gonzales ‘yon. Reporma sa Comelec at siste­mang halalan din ang isinisigaw ng predecessor niyang NSA, si Gen. Joe Almonte noon pang Disyembre 2002. Wala lang nakikinig sa kanila.

BENJAMIN ABALOS

CARLOS PADILLA

COMELEC

GONZALES

JOE ALMONTE

LINTANG BEDOL

NATIONAL DEFENSE COLLEGE OF THE PHILIPPINES

NATIONAL SECURITY ADVISER NORBERTO GONZALES

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with