Uhaw na ang tao sa usaping Presidentiable kahit malayo pa ang 2010. Sabik na talagang ibaon sa limot ang panahon ni Gloria Macapagal Arroyo. Ang masalimuot na isyu ay dalawa: (1) maari pa bang kumandidato si ERAP? Nilabas ng Inquirer ang opinyon ni Fr. Bernas, Constitutional Law Expert at dating Constitutional Commissioner, bilang “last word” o huling salita sa isyu. Ani Fr. Bernas, bawal na daw si ERAP. Subalit ang dahilan nga kung bakit mainit ang debate ay dahil wala pang desisyon dito ang Korte Suprema. Kung sakali ay first time lang itong dedesisyunan. Ang huling salita dito ay sa Korte at hindi kay Fr. Bernas.
Matitindi ang lumulutang na pangalan. Maliban kay ERAP, ang line-up ng oposisyon: Lim, Binay, Villar, Lacson, Legarda, Roxas, Escudero. Sa administrasyon: Teodoro, Belmonte, De Castro, Gordon, Fernando. Lahat sila’y “Presidential Timber” ika nga. Premyadong abogado sina Teodoro (No. 1 sa Bar at tapos sa Harvard), Lim, Escudero, Binay, Belmonte at Gordon. Lahat ay naging mambabatas, maliban kay Binay at Fernando na, kasama ni Lim, Belmonte at Gordon, naging mayor naman ng malalaking lungsod. Silang lahat, maliban kay Villar, Legarda, Escudero at Belmonte ay may “executive experience” bilang kalihim ng malaking kagawaran. Pero si Villar lamang sa kasaysayan ng bansa, pangalawa kay Manuel Roxas, ang naging Speaker of the House at Senate President. Si Legarda lamang, kasunod ni Jovito Salonga, ang nakakakuha ng No. 1 sa Senado ng dalawang beses. Si Escudero lamang ang Oposisyonista na muntik nang mag number 1 Senator. At si Belmonte ay dati na ring naging Speaker of the House. Sa mga naghahanap ng ispesyal na kwalipikasyon, sina Lim, Belmonte at Roxas ay pawang mga binata!
Kaya napapasarap ang bansa sa usaping Presidentiable. Maski ang respetadong si Chief Justice Puno at si Gov. Among Ed Panlilio ay madalas madawit ang pangalan sa huntahan. Ang lahat nitong patakam ay walang kabuluhan kung hindi masagot ang pangalawang masalimuot na isyu ng panahon: (2) bibitiw ba sa puwesto si Gloria sa 2010?