AYON sa mga matandang nabuhay noong araw matapos magawaran ng kasarinlan ang ating bansa, ang mga pulitikong nailuklok sa matatayog na posisyon sa pamahalaan ay may dignidad at katapatang magsilbi sa bayan.
Hindi lang mayayaman kundi lahing aristokratang tinitingala ng mamamayan ang naihahalal sa matataas na puwesto.
Ang dahilan, sawa na raw sa material na yaman ang mga taong ito at ang hangad lamang ay makapaglingkod na ang tanging kabayaran ay ang bigyan sila ng pitagan at tingalain ng lipunan.
Kaya ang kasabihan noon, bago ka makapasok sa pulitika, kailangang maging mayaman ka. Baligtad ngayon. Bago ka yumaman, pasukin mo muna ang pulitika. Ayaw ko sanang maniwala rito pero lantad ang katotohanan.
Sabagay, kahit noong araw na sinasabing mararangal na tao ang naipupuwesto sa pamahalaan ay mayroon na ring graft and corruption. Pero ngayo’y masasabi nating kasagadsagaran sa buto ang umiiral na katiwalian sa marami sa ating so-called “public servant.” Mga taong nang unang maupo sa puwesto ay segunda manong kotse lang ang minamaneho pero ilang taon lang ang lumipas ay luxury car na ang dala na milyones ang halaga.
Makikilatis ang uri ng gobyernong umiiral sa mga patakaran nito. Sa ngayon, hirap na hirap ang mga ordinaryong mamamayan sa taas ng bilihin dahil sa labis na buwis na ipinapataw ng gobyerno. Sa halip na panigan ang maliliit na tao, ang pinapaboran ng gobyerno ay ang mga impluwensyal at masalaping negosyante. Bakit? Dahil ba may kapalit na pakinabang ito mula sa mga masasalapi at impluwensyal?
Sana’y bigyan tayong maliliit na mamamayan ng karunungan ng Diyos para bagamat maaga pa’y makilala na ang kaloob-loobang ugali ng mga ibig kumandidato sa pagka-pangulo sa 2010 at piliin lang ang tunay na karapat-dapat.