KAMI ni President Erap ay lubos na natutuwa at nagpapasalamat na ang aming panganay na anak na si Senate president pro tempore Jinggoy Estrada ay binigyan ng parangal bilang Best Actor para sa kanyang pelikulang “Katas ng Saudi” sa 2007 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Ang Katas ng Saudi, na produced ng Maverick Films, ay ginarawan din ng Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award, at Best Screenplay Award din para kay Director Jose “Joey” Javier Reyes.
Buhay-na-buhay ang pagganap ni Jinggoy sa kanyang papel sa pelikula bilang si Oca Dimaano, isang OFW na sampung taon nagtrabaho at nagsakripisyo sa Saudi para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang pamilya.
Ang pelikula at parangal na ito ay talagang “dream come true” para kay Jinggoy dahil napakamalapit sa kanya ng istoryang ito at ng kanyang role sa pelikula. Ito ay napagtibay pa ng kanyang pagsisilbi bilang chairman ng Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng Joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Napakahusay ng ginawang pag-handle sa kanya ni Direk Joey na napalabas ang todong acting ni Jinggoy, at siyempre, sa tulong din ng kanyang mga kasama sa pelikula sa pangunguna ni Lorna Tolentino na gumanap bilang kanyang asawa.
Ang mga parangal na tinanggap ni Jinggoy at ng “Katas ng Saudi” ay maituturing na malaking bonus pa sa tagumpay ng pagsasapubliko ng makabuluhang mensahe tungkol sa kalagayan at sakripisyo ng mga OFW, na naihatid ng pelikula sa paraang nakaaaliw, nakalilibang at nagbibigay ng impormasyon, gayundin sa tagumpay ng muling pagbuhay sa industriya ng pelikulang Pilipino.
Muli, congratulations, Jinggoy, at sa lahat ng iba pang pinarangalan at naging bahagi ng 2007 MMFF.
* * *
Para sa mga kababayan nating naghahanap ng serbisyo publiko, maaari kayong lumiham sa opisina ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City. Ipagpaumanhin na hindi po matutugunan ang mga solicitation letter.