Unang hirit
HINDI na bago ang usaping “Round 2” ng mga Presidente. Bago mag-martial law, hindi ito problema dahil, tulad sa Amerika, walang probisyon sa Saligang Batas na nagbabawal ng reeleksyon ng Presidente. Hindi rin ito madaling gawin. Sa Pilipinas, tanging si Presidente Ferdinand Marcos ang nagtagumpay sa kanyang re-election nung 1969. Ang problema ay masyadong nawili sa posisyon na hindi na isinuko hanggang matanggal nung 1986.
Dahil sa takot na maulit ang karanasan kay Marcos, napag-usapan sa Konstitusyon ng 1987 ang term-limit ng Presidente. Ayon sa Art. VII, Sec. 4: “The President shall not be eligible for any reelection. No person who has succeeded as President and has served as such for more than four years shall be qualified for election to the same office at any time.”
Hindi naging matiwasay ang buhay ng probisyong ito. Una itong lumutang noong 1992 kay President Cory. Pilit siyang pinatatakbo. Hindi raw siya saklaw ng prohibis-yon dahil nung nailuklok siya sa Pebrero, 1986, hindi pa ang 1987 Konstitusyon ang umiiral. Kaya exempted siya. Hindi lumaki ang isyu dahil agad sinara ni Cory ang pinto sa anumang re-election.
Si FVR nung 1997 ay na-engganyo ring tikman ang mansanas ng term extension. Ang grupong PIRMA, sinubukang amyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng People’s Initiative upang matanggal ang nasabing probisyon ng Sec. 4, Art. VII.
Si GMA man ay tinangkang harangin nina Boots Anson Roa at Amina Rasul noong 2004 base rin sa Sec. 4. At ngayon, si Erap naman ang napag-uusapan. Ang kaibahan ng sitwasyon ni Erap ay dalawa: Una, hindi siya incumbent kaya hindi maaakusahan na ginamit lang ang salapi at puwersa ng administrasyon upang tumagal sa puwesto; pangalawa, ni hindi umabot ng four years ang kanyang panunungkulan. Kung titingnan ang se-cond sentence ng probisyon, saklaw lang sa pagbawal ang isang successor (tulad ni GMA nung 2001) kung nanungkulan na ito nang mahigit apat na taon. Si Erap, ni tatlong taon hindi natapos. Kaya tinawag itong “Gray Area” ni Senate President Drilon. Hangga’t hindi nililinaw ng Supreme Court, walang makapipigil kay Erap na muling makipagsapalaran kung iyan ang hinihiling ng tao.
- Latest
- Trending