EDITORYAL - Hubaran ang nasa likod ng mga pagdukot at pagpatay
NAKADIDISMAYA ang sinabi ng Court of Appeals (CA) na alam ni retired Maj. Gen. Jovito Palparan ang mga nagaganap na pagdukot sa mga sibilyan na pinaghihinalaang kasapi ng New People’s Army (NPA). Sinabi ng CA na alam ni Palparan ang pag-aresto at pag-detain sa magkapatid na Raymond at Reynaldo Manalo na taga-Bulacan. Ang dalawa na kapwa magsasaka ay dinetain sa loob ng 18-buwan. Dinukot ang magkapatid noong February 2006. Tinorture ang magkapatid at sapilitang pinainom ng isang klase ng gamot. Dalawang sarhento ng Army umano ang nagsagawa ng pagpapahirap sa dalawa.
Sinabi ni Justice Lucas Bersamin, na maski ang iba pang military personnel at mga miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ay alam ang mga nangyayaring pagdukot at pag-detain. Sangkot sila sa ginawa sa magkapatid na Manalo. Ang desisyon ay ginawa ni Bersamin noong Miyerkules.
Nagpapatunay lamang na sa ginawang desisyon ng CA, talagang may direktang nalalaman si Palparan sa mga pagpatay at pagdukot sa mga pinaghihinalaang miyembro ng NPA. Hindi maaaring maikaila na ang mga nangyayaring pagdukot at pag-detain ay kagagawan ng tinaguriang “berdugo”.
Pero mariing pinabulaanan ni Palparan ang desisyon ng CA. Hindi raw siya nanghihikayat sa kanyang mga tauhan para dumukot at pumatay. Perceptions lamang umano ang mga paratang sa kanya. Wala raw sa policy niya ang ganyan. Ginagamit lamang daw siya para takutin ang mga heneral. Hindi rin daw niya kilala ang magkapatid na Manalo.
Aaminin nga ba ni Palparan ang mga binibintang sa kanya? Siyempre, itatanggi niya ang mga ito. At malakas ang loob ni Palparan na tanggihan ang sandamukal na bintang ng mga pagdukot, pagpatay, pag-detain sapagkat nasa likuran niya si President Arroyo. Nang mag-SONA si Mrs. Arroyo noong 2006 ay pinuri niya si Palparan dahil sa paglaban sa insurgency.
Nasa likod daw ng pagdukot ang military at ma tibay ang paniniwala ng Korte na alam ito ni Palparan. Pero hanggang saan ang pahayag ng korte? Mananagot ba si Palparan sa kanilang natuklasan? Mahirap sagutin lalo pa’t may nagpapalakas ng loob sa itinuturong “utak”.
- Latest
- Trending