NAKAKA-INSPIRA si Rick Warren, pastor sa California na umakda ng Purpose Driven Life. Sa isang panayam ito ang mga sinabi ni Warren:
“Tinatanong ako ng mga tao: Para ano ang buhay? Ang maikling sagot ko: Ang buhay ay paghahanda para sa walang-hanggang panahon. Nilikha tayo para tumagal habambuhay, at nais ng Diyos makapiling natin siya sa langit.
“Balang araw hihinto ang pagtibok ng aking puso, at ‘yun na ang wakas ng aking katawan — pero hindi wakas ko. Maari akong mabuhay nang 60-100 taon, pero trilyon-trilyong taon ang ibubuhay ko pagkatapos. Kaya warm-up pa lang ito, dress rehearsal ika nga.
“Nais ng Diyos sanayin natin sa mundo ang magiging gawi natin sa kawalan-hanggan. Nilikha tayo ng Diyos para sa Kanya, at hangga’t hindi mo ‘yan nababatid, hindi mo maiintindihan ang pakay ng buhay.
“Ang buhay ay kade-kadenang pagsubok. Kung hindi ka pa tapos sa isa, papasok ka sa bago. Kasi, mas interesado ang Diyos sa iyong pagkatao kaysa iyong pagkakontento. Mas interesado Siyang gawing banal kaysa masaya ang iyong buhay.
Maari tayong maging masaya sa mundo, pero hindi ‘yon ang pakay ng buhay. Ang pakay ay bumunga ang pagkatao na tulad ng sa Diyos.
“Itong nakaraang taon ang pinaka-masagana sa aking buhay, at pinaka-malala dahil nagka-cancer ang asawa kong si Kay. Akala ko dati ang buhay ay mga kabundukan at kapatagan, dadaan ka sa karimlan at pagkatapos ay aangat sa tuktok, at baba uli.
“Hindi na ‘yon ang pananaw ko. Imbis na taas-baba, ang buhay pala, sa pananaw ko, ay parang magkapares na riles ng tren, at sa lahat ng oras meron kang mabuti at masama. Gaano man kaganda ng mga nagaganap sa buhay mo, merong dapat haraping masama. At gaano man kasama ang sitwasyon mo, meron kang kabutihan na ipagpapasalamat sa Diyos.
“Maari mong pagtuunan ang iyong pakay, o ang iyong problema. Maari kang maging makasarili, o maging maka-Diyos at makatao.”