Nasaan ka Rizal?

Ngayon ay Rizal Day –- tayo’y nagdiriwang

At ginugunita kanyang tanging araw;

Ang bayaning ito kung buhay nga lamang

Itong ating bansa’y walang kalungkutan!

 

Kung si Doktor Rizal buhay ay mahaba

Binaril man siya’y buhay kaipala;

At kung buhay siya’y siyang magpapala

Sa perlas na bansang kaiba sa Asya!

 

Itong bayan nating ngayo’y naghihirap

Kanyang hahanguin nang buong paglingap;

Dukha at mayama’y kanyang iaangat

Walang dusa’t hapis tayong malalasap!

Likas na marunong saka makabayan

Ang diwa ni Rizal magiging timbulan;

At ang puso niya’y magiging kadluan

Nang maraming pusong sabik sa suyuan!

 

At kung ikaw Rizal ay narito ngayon

Mga kabataa’y sa iyo kakanlong

Sa isipan nila ay laging bubulong

Kabataan silang may dakilang misyon!

 

Sila’y kabataang ang tanging hangarin

Ay maging tahimik itong bayan natin;

Ang droga at bisyo’y hindi papansinin —

Sila ay pag-asang may gintong hangarin!

 

Mga pulitikong dito’y naglipana

Manghihiram sa ‘yo nang magandang diwa;

Ang bawa’t hangarin ay hindi masama –-

Pansariling hangad hindi babandila!

 

Mga manggagawa’t mga magbubukid

Susunod sa iyong gawaing marikit;

Sa abono’t lupa ay hating-kapatid

Walang mang-uutak walang manggigipit!

 

Kaya Doktor Rizal –- hinahanap namin

Ang puso mo’t diwang gagabay sa amin;

Sana sa maraming ngayo’y naglilider

May isang tulad mong banal ang damdamin!

Show comments