MATAPOS ang isang mahabang pakikibaka ng isang ina para makamtan ang hustisya na kanyang hinahanap para sa kanyang anak na diumano’y binaril at pinatay ng isang dating pulis Pasig na si PO1 BEDO MONTEFALCON.
Sa pagbalik sa aming tanggapan ni Erly Martin ilang araw lamang ang nakakaraan, isang magandang balita ang dala nito. Ang appeal nitong pulis na ilang beses ng na deny ng Department of Justice at isinampa naman ngayon sa Office of the President ay muli na deny na naman dahil sa wala raw bagong ebidensyang ipinakikita at diniscuss ang apelang ito.
Agosto 2006, unang lumapit sa aming tanggapan si Erly Martin ng Brgy. Palatiw, Pasig City upang humingi ng tulong ukol sa pagpatay sa kanyang anak at sa kaibigan nito. Mayo 29, 2005 nang sinapit ng kanyang anak na si Donil Gaveria, 17 taong gulang, kasama ng kanyang mga kaibigan ang karahasan sa kamay ng isang alagad ng batas.
Kakatapos lang maglaro ng basketball ni Donil kasama ang kanyang mga kaibigan nang araw na iyon. Ang grupo nila ang nanalo sa Championship Game na iyon kung kaya’t inaya niya silang sa kanilang bahay na sila maghahapunan.
Sumama sa bahay ni Donil ang kanyang matalik na kaibigan na si Alvin dela Cruz. Kasama din ang iba pa nilang kaibigan na sina Tarcila Flores, Timothy James Guevarra at Alvedon Cruz. Naghanda si Erly ng pansit ng hapon na iyon sa kanilang bahay bilang victory party nila. Pagkatapos kumain ang mga magkakaibigan ay hindi sila agad umuwi. Nagkuwentuhan muna ang mga ito ukol sa pagkakapanalo nila.
Bandang 11:45 ng gabi, nagdesisyon ang mga magkakaibigan na ihatid na si Tarcila sa kanyang bahay. Dinala ni Alvin ang tricycle ng ama para panghatid sa kanilang mga kaibigan. Lima silang sumakay sa tricycle. Si Donil ay umupo sa back seat sa likod ni Alvin. Habang tinatahak nila ang daan papunta sa bahay ni Tarcila sa Catalina at Manalo Street sa Brgy. Sto Tomas ay sumulpot ang isang sasakyan sa likod ng tricycle. Isang beige na Isuzu Crosswind ang gumitgit sa tricycle na siyang dahilan ng kanilang muntik na pagpunta sa road gutter.
Nang mauna ang Isuzu Crosswind ay huminto sa harapan ng tricycle kung kaya’t huminto si Alvin sa pagmamaneho. Maya-maya ay may bumabang lalake na naka-uniporme ng pulis at camouflage jacket. Naglakad ang lalake papunta sa kinaroroonan ng tricycle. Dahil nakita ng mga kabataan na pulis ang palapit sa kanila ay humingi agad sila ng pasensiya kung ano man ang nagawa nila.
Hindi inaasahan ng mga magkakaibigan ang sumunod na ginawa ng pulis. Bigla nitong hinawakan ang buhok ni Donil, inilabas ang baril nito at walang kaabog-abog na binaril sa noo si Donil. Sa nangyari ay agad na bumaba ang apat mula sa tricycle upang tulungan ang duguan nilang kaibigan. Samantala, naglakad pabalik ang pulis sa sasakyan nito.
Subalit hindi nagtagal ay ilang putok ng baril ang sumunod na umalingawngaw. Mula sa kanilang sasakyan ay bumaba ulit ang pulis at pinaputukan ang natirang apat. Sa takot na matamaan ay tumakbo sina Tarcila, Timothy at Alvedon. Iba’t-ibang direksyon ang kanilang tinungo upang makaiwas sa mga bala. Si Alvin ay nahuling tumakbo sa kagustuhang iligtas pa si Donil. Sa kasamaang palad ay naabutan ito ng tama ng baril.
Maliban kay Donil ay namatay si Alvin sa tinamong 16 na tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Sa pag-usad ng imbestigasyon ay kinilala ng mga nakaligtas na tatlo ang pulis na nakita nilang bumaba mula sa Isuzu Crosswind. Positibong tinukoy si PO1 Bedo Montefalcon na siyang diumano’y responsable sa pagkamatay ng dalawang biktima. Nabanggit ng tatlo na may nakita pa silang ibang kasamahan ng suspect sa loob ng sasakyan ngunit hindi nila nakita ang mga mukha nito.
Isinagawa ang Preliminary Investigation para sa kasong Double Murder and Multiple Attempted Murder laban kay PO1 Montefalcon. Sa kanyang kontra-salaysay ay itinanggi niya ang mga alegasyon laban sa kanya. Depensa niya na may pinuntahan siyang party ng mga oras ng pamamaril.
October 19, 2005 nang ilabas ni State Prosecutor Misael Ladaga ang resolution ng kaso. DISMISSED ang naging desisyon sa demanda laban kay PO1 Montefalcon sa kadahilanang kulang ang witness sa panig ng complainants. Hindi rin daw tugma ang baril ng respondent sa mga balang nakita sa crime scene na ipinakita ng ballistic test na isinagawa.
Kahit denial at alibi ang naging depensa ng respondent ay binanggit sa resolution na “a defense of alibi is not always untrustworthy if the respondent’s evidence, in its entirety, would constitute the real and simple happening of an event after applying the general test of reason, knowledge and observation of mankind.” Tila pinagbagsakan ng langit at lupa si Erly nang malaman ang naging desisyon.
Tinulungan ng aming tanggapan sa HUSTISYA PARA SA LAHAT na maghain ng Petition for Review sina Erly sa Department of Justice. September 13, 2006, isang magandang balita ang bumungad sa pamilya ng mga biktima. Ni-reverse ni Sec. Raul Gonzalez ang desisyon ni Prosecutor Ladaga at isinampa ang kaso laban kay PO1 Montefalcon.
Subalit hindi pa nagtatapos doon ang laban nina Erly. Naghain din ng Motion for Reconsideration si PO1 Montefalcon. Binanggit sa Motion na ipalabas ang isang Samir Palao na siyang magbibigay linaw sa totoong nangyari nang gabing iyon. Sa huli ay na-DENY ang inihain na motion ng respondent.
Paliwanag ng DOJ ukol sa alibi ni PO1 Montefalcon na wala siya sa lugar ng pinangyarihan ng krimen na “appellant failed to overcome the findings that the short distance from the scene of the crime to his place of residence does not preclude the possibility of his presence at the time crime scene on the date and time of the commission of the crime.”
Sa naging desisyon ng DOJ ay inireklamo ni PO1 Montefalcon si Sec. Gonzales at ang inyong lingkod sa Office of the President dahil sa umano’y Grave Abuse of Authority. Kasabay din nito ang paghain niya ng Appeal sa Presidential Action Center. Muli nitong binanggit ang pagsasagawa ng reinvestigation sa kaso at ang pagpapalabas kay Samir na siyang magpapatunay na inosente ang respondent.
Hiningi ng Malacanang na magbigay ng comment ang DOJ sa gagawing desisyon. Inatasan si Atty. Minette Delos Santos sa inihain na Appeal. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay na-promote ito bilang City Prosecutor ng Olongapo.
Ngayong Paskong ito ay isang magandang regalo ang natanggap ni Erly mula sa Panginoon. Sa kabila ng matagal na paghihintay ay lumabas na ang desisyon mula sa Malacanang. Ayon kay Deputy Executive for Legal Affairs, Manuel B. Gaite, walang bagong ebidensiya ang ipinakita ni PO1 Montefalcon sa kanyang Appeal. Ang lahat ng isyu na binanggit ng respondent ay hindi na bago dahil na-discuss na ito sa DOJ.
Lubos ang pasasalamat ni Erly sa naging desisyon ng Malacanang. Hindi birong pagsubok ang kinaharap nina Erly sa mga nangyari. Isang magandang halimbawa ito ng pagkakaroon ng malaking pag-asa sa Hustisya sa ating bansa. NGAYON, BAKBAKAN NAMAN SA KORTE ang dapat harapin ni Bedo Montefalcon. Kung wala kang kasalanan wala kang dapat ikatakot.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166/09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
E-mail address: tocal13@yahoo.com