EDITORYAL - Manmanan ang mga ‘utak pulbura’
TUWING magpapalit ang taon ay mayroong tinatamaan ng ligaw na bala. Ito ay sa kabila na matindi na ang paalala ng pamahalaan particular ang Department of Health (DOH) na huwag magpapa-putok ng baril. Kahit na ipagbawal nang ipagbawal at kung anu-anong paraan ang gawin ay marami pa ring pangahas na nagpapaputok ng baril. Maski manawagan nang manawagan ang grupong Gunless Society ay wala pa ring epekto at patuloy ang pagpapaputok ng baril ng mga may “utak pulbura”. Mas lalong hinihigpitan ay lalong dumarami ang sumusuway.
Sabi ng DOH, may isa nang naitalang kaso ng pamamaril at ito ang una sa kanilang listahan. Naganap ang pagpapaputok ng baril noong bisperas ng Pasko. Ang tinamaan ng bala ay isang 37-gulang na lalaki. Tinamaan siya sa paa. Sabi ng DOH, nabaril ang lalaki habang abala ang mga tao sa paghahanda ng noche buena.
Maraming kasong ganito at karamihan ay hindi nalulutas. Sino nga ba ang hahabulin gayong hindi naman alam ng biktima kung saan nanggaling ang putok. Mahirap magturo nang walang ebidensiya.
Noong Bagong Taon ng 2005 isang sanggol ang tinamaan ng ligaw na bala sa ulo. Nakahiga ang sang gol nang isang bala ang lumusot sa kisame at sa kasamaang palad ay tinamaan ang sanggol. Namatay ang sanggol. Hanggang ngayon ay hindi malaman kung sinong may “utak pulbura” ang nagpaputok ng baril. Ang inaasam na hustisya ng mga magulang ng sanggol ay hindi pa nila nakakamtan.
May suspetsang ang mga nagpapaputok ng baril ay mga lasing at pasaway na pulis. Umaakyat ang yabang sa ulo ng mga pasaway na pulis at walang tigil sa pagrapido ng kanilang baril.
Pero sabi ng Philippine National Police (PNP) mahigpit ang gagawin nilang pagmamanman. Hindi nila pahihintulutan na mayroon na namang mapin-sala ang mga may “utak pulbura”. May mga pulis na sadyang nilagyan ng tapal ang barrel ng kanilang mga baril para hindi magamit ng mga pulis. Taun-taun ay ganito lagi ang ginagawa ng kapulisan para mapanatili ang katahimikan. Tama ang ginagawa ng PNP para mapigilan ang walang habas na pagpapaputok.
- Latest
- Trending