Bagong Taon, bagong cell phone…mag-ingat sa mga peke at recondition!
ILANG araw na lamang ay 2008 na, siguradong ang mga kababayan natin ngayon ay nagsisimula ng maging abala kung paano sasalubungin ang bagong taon.
Mayroon nang nag-ready ng kanilang New Year’s resolution, may ilang nagpaplano ng mag-iba ng looks at magbago ng kagamitan.
Siyempre, ang mga Pilipino pa naman ay hindi pahuhuli sa uso, marami ang umaasa sa 2008 na may bago na namang lalabas na modelo ng popular na cell phone.
Ngayon pa lamang, nagbibigay babala na ang BITAG sa mga nagbabalak at nakapag-ipon na upang bumili ng kanilang nakursunadahang cellphone.
Nagkalat na sa ngayon ang mga counterfeited o pekeng cell phone sa merkado. Marami na rin ang nabi-biktima ng mga cell phone na recon o recondition kung tawagin.
Kapag counterfeited at recondition ang mga gadgets na nabili mo, siguradong sakit ito sa ulo. Bukod sa kulang-kulang at palyado ang mga programs at softwares, hindi mo ito magagamit ng mahabang panahon.
Ilan sa palatandaan ng mga recon at pekeng cell phone ay walang seal of warranty ng manufacturer (Nokia, Motorola, Ericsson, etc) ang kahon ng handset.
Kapag walang nakitang seal o code ng NTC ang loob o likod ng cell phone, siguradong peke o di kaya naman ay recondition ang mga ito.
Sa mga tindahan namang bibilhan, upang makasiguro na lehitimo ang pagbebenta ng mga ito ng mga de-kalidad na cell phone, siguraduhing hindi Sales Invoice lamang ang ginagamit na resibo.
Dapat ay official receipt kung saan may pangalan, contact number at address ng tindahan at Tax number ang nakalagay sa resibo.
Ipinagbabawal ng Department of Trade and Industry ang sistemang “no return, no exchange” sa kahit saan mang tindahan o bilihan.
Ayon sa batas, sa ilalim ng Consumers Act na ipinapa - tupad ng DTI, karapatan ng bawat mamimili na makakuha ng free service, replacement at refund sa mga produktong kanilang nabili mula sa isang establisyamento o tindahang binilhan.
Kaya ngayong bagong taon, huwag magpaloko. Makaka iwas ang kahit sino sa bitag ng panlilinlang kung susundin ang ilang tips naming ito.
- Latest
- Trending