Final grade
HANGGANG sa pagtapos ng taon, hindi pa rin napapatid ang daloy ng masamang balita mula sa lahat ng sulok ng administrasyon. Itong huli ay ang Jalosjos scandal, ang pagpatay kay Batman Lintuan at kay Mayor Rafael, ang tangkang pagpatay kay Abra Rep. Cecilia Luna, at ang massacre sa SEA games.
Paano titigil ang Palasyo sa pagbigay ng “shopping bag” sa mga congressman kung ang mayorya nito’y nagsisilbing kalasag laban sa kinatatakutang impeachment? Paanong hindi titigilan ang paghirang ng miyembro ng Gabinete na walang pag-asang pumasa sa Commission on Appointments kung ito lamang ang paraan upang makapagtago sa bestida ng “executive privilege” para hindi maisambulat ang mga sekretong nalalaman?
Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan –- a public office is a public trust -– ito ang turo ng ating saligang batas at ng ating mga tradisyon. Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan ay kinakailangang mamalaging nananagutan sa taumbayan. Subalit papaano mangyayari ito kung wala namang tinatanaw na utang na loob sa bayan ang nanunungkulan? Kung sa halip ay ang puwersa at salapi ng kagrupo ang dinidiyos?
Mismong ang mga kadikit ng Presidente tulad ng pahayagang Manila Times ay umamin na “most disliked and distrusted President in Philippine History” si GMA. Ano man ang ginamit niyang paraan upang mailuklok sa puwesto, malinaw na ngayon ang kanyang pagpipilian: kung gusto niya talagang makatulong at maalala bilang isang Presidenteng hinangaan at pinagkatiwalaan, dapat lang na talikuran na niya ang mga tanikala ng pribadong interes at gamitin ang kanyang kapangyarihan para sa kabutihan. Andyan na siya. At kakaunti na lang ang natitirang panahon.
Kung hindi ay sigurado na ang puwesto niya sa kasaysayan – Presidente na hindi hinalal at hindi minahal. At ito ang kanyang Final Grade.
- Latest
- Trending