GALIT at napipikon ang administrasyon tuwing binabatikos tungkol sa mga pinapaslang na media practitioners. Pero iyan ang nagdudumilat na katotohanan.
Kapag ikaw ay isang mamamahayag na tumutuligsa sa mga katiwalaan ng mga opisyal sa pamahalaan, ang isang paa mo’y “nakaumang na sa hukay”.
Noong nakaraang linggo lang, isa na namang hard-hitting broadcaster ang itinumba dahil sa kanyang mga maanghang na komentaryo. Sari-saring usapin at kaso ng katiwalian ang walang habas na inuupakan sa ere nitong si Fernando Lintuan kung kaya hirap daw ang mga imbestigador na tukuyin kung sino ang may kagagawan ng pamamaslang.
Pambihira. Magtatapos na ang taon, may humahabol pang kaso ng pagpaslang sa isang radio commentator na matalas ang dila.
Magalit man o hindi ang gobyerno, hindi masisisi ang tao kung magkaroon ng persepsyon na ang media ay sinisiil at tinatakot ng mga taong nakaupo sa puwesto upang protektahan ang kanilang interes.
Masaklap mang isipin, nagagalak pa rin tayo na may mga matatapang na alagad ng media na walang takot sa pagbubunyag ng mga anomalya sukdulang itaya ang kanilang buhay.
Paulit-ulit ang katiyakan ng administrasyong Arroyo na lahat ng hakbang ay ginagawa para pangalagaan ang karapatan sa pamamahayag ng mga nasa larangan ng media. Pero sa kabila nito’y nangyayari pa rin ang ganyang mga kabuktutan. Sa papasok na taong 2008, ilan pa kayang kabaro ko ang patatahimikin dahil sa paglalantad ng mga katiwalian sa ating lipunan? Wish ko lang - sana wala na.