Pinag-aral ng kompanya pero iba ang nakinabang

KASO ito ni Vic, isang empleyado ng PAL. Nag-umpisa siya bilang Boeing 747 Systems Engineer mula Oktubre 21, 1988.  Noong 1995,  sa edad na 39 ay nakuha niya ang posisyong Boeing 737 First Officer.  Hindi nagtagal, nakuha rin niya ang pinakamataas na posisyon bilang Airbus 300 First Officer. Dahil kailangan sa nasabing posisyon ang dagdag na kaalaman, ginastusan ng PAL ang mahigit limang buwan niyang pag-aaral sa Manila pati na rin ang flight simulation sa Australia. Natapos ni Vic ang kurso at hindi nagtagal naging A-300 First Officer siya. Ngunit noong Setyembre 16, 1996, nagbitiw na siya sa tungkulin umpisa Oktubre 15, 1996.

Nakiusap ang kompanya. Gumastos ang PAL nang malaki para sa kanyang pag-aaral. Ayon dito, umabot sa P786,713 ang ginastos nila at ang hiling lamang nila kay Vic ay manatili siya sa kompanya ng kahit tatlong taon pa. Kung hindi niya ito gagawin, mapipilitan silang pag­bayarin si Vic sa nasabing halaga.

Sa pamamagitan ng kanyang abogado, ipinabatid ni Vic sa PAL na wala siyang intensiyong magtagal ng tatlong taon sa kompanya. Tutal, wala naman siyang pinirmahang kontrata kaya’t wala silang dapat pag-usapan sa ginastos ng PAL. Hindi sumagot ang PAL. Dalawang sulat pa ang ipinadala ng abogado ni Vic bago nila nalaman ang ginawang pagsasampa ng kaso ng PAL. Hinihingi nito na ibalik ni Vic ang may P851,107 na halaga ng gastos sa training, 20% bilang gastos sa abogado at ang gastos sa pagsasampa ng kaso. Ginamit ng PAL ang presensiya ng isang hindi hayag na kasunduan na kung tawagin sa ating batas ay “do ut facias” na ang kahulugan ay “ibibigay ko, kung ga­gawin mo”. Ayon sa PAL ginastusan nila ang pag-aaral ni Vic sa pa­niniwalang mag­ta­­tra­baho siya sa kom­panya sa loob ng tat­long taon. At dahil  mag­bibitiw na siya sa tung­kulin kahit na walong buwan pa lamang si­yang nagta­trabaho, dapat niyang bayaran ang lahat ng ginastos ng kompanya. Tama ba ang PAL?

TAMA. Ayon sa ating batas (Art. 22  Civil Code), ang bawat tao na ma­kakuha o ma­katanggap ng isang bagay dahil sa ginawa ng iba ay dapat na isoli ito lalo at wa­lang legal na basehan kung bakit niya ito na­kuha. Ito ang konsepto ng tinatawag nating “unjust enrichment”. Maaaring ang bagay na pinakinabangan ay pisikal o moral. Basta ang kailangan ay ma­su­sukat ito sa aspeto ng pera. Maaaring 1) pakikinabang ito sa bagay na pag-aari ng iba, 2) benepisyo ito mula sa serbisyong ginawa ng iba, 3) pag­ kakaroon ng karapatan sa isang bagay, 4) pag­taas ng presyo o halaga ng isang bagay, 5) pag­kakaroon ng dagdag o mas malaking karapa­tan, 6) pagkilala sa isang karapatan, o di kaya ay 7) pagbuti/pag-angat sa buhay na kinagis­nan. Basta dapat na ang natanggap na pakina­bang ay may katumbas na kabawasan sa ibang tao. Maaaring ito ay tungkol sa pagkawala ng isang bagay na pag-aari ng iba, pag-aalis ng karapatan sa kanya, o ang hindi pagbabayad sa isang serbisyong ginawa o kaya naman ay ang hindi pagbibi-gay ng bagay na dapat niyang makuha.

Samakatuwid, hindi magkakaroon ang isa kung hindi sa kawalan ng kabila. Sa kasong ito, hindi mapapasu­balian na gumastos ang PAL upang mag­karoon ng dagdag na kaalaman si Vic. Ina­asahan ng PAL na kahit papaano, pakikinaba­ngan nito ang serbisyo ni Vic kahit man lamang sa loob ng tatlong taon. Hindi ito nagkatotoo dahil sa pagbibitiw ni Vic sa trabaho walong buwan pa lamang ma­ta­pos ang kanyang trai­ning o pagsasanay. Ka­ya’t nararapat lamang na ibalik niya ang gi­nas­tos ng PAL sa pag­pa­­paaral sa kanya. (Al­mario vs. PAL, G.R. 170928, Sep­tember 11, 2007).

Show comments