BUHUL-BUHOL na ang trapik sa Metro Manila dahil sa mga Christmas party, shopping para sa Pasko. Lalo pang sumama ang trapik sa EDSA noong Sabado dahil sa kalokohan ng isang kulto! May 15 miyembro ng isang kulto ang pilit pinahinto ang ilang sasakyan sa EDSA-Guadalupe sa pamamagitan ng pagpapasingaw ng hangin sa mga gulong ng sasakyan! Ayon sa kanila, kapag huminto ang mga sasakyan, magpapakita ang tagapagligtas sa paghihirap at anarkiya, at mabibigyan daw sila ng tig-isang milyong piso. Sa katunayan, lahat daw ng mamamayang Pilipino ay mabibigyan ng tig-isang milyon, para ang Pilipinas na raw ang magiging pinaka-mayaman sa buong mundo! Ang nakatatawa pa, may mga drayber na naniwala naman sa pahayag ng mga ito! Hindi ko tuloy alam kung sino ang mas wala sa isip! Ganundin ang ginawa ng ilang miyembro nila sa may EDSA-Kamuning. Kaya naman impiyerno sa kalye noong Sabado!
Nagkalat na rin ang mga kulto sa bansa natin. Natatandaan ko pa noon, may kultong nasa telebisyon pa! Ito ‘yung ET Spaceship 2000 na pinamunuan ni Fr. Eleuterio Tropa (siya ang nagbansag sa sarili niya na “Father”). Paminsan-minsan natataon ako sa paglilipat ng istasyon sa programa niya. Sabihin na lang natin na naaaliw ako. May mga dayuhan pang nagsasalita at sumasama sa kanya! Nandiyan din ang “Toning” ni Johnny Midnight, kung saan maraming sumubaybay sa kanyang programa sa radyo upang magpagaling sa iba’t ibang sakit. At siyempre nandyan ang mister yosong H-World. May mga iba pang grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa na may mga miyembro at sariling kakaibang paniniwala. Wala namang batas na nagbabawal sa mga ito, maliban na lang kapag lumabag sila sa batas katulad ng mga nagpigil ng trapik sa EDSA. Sa ibang bansa pa nga, mas nakamamatay ang ilang kulto. Pinakasikat dito ay ang pagpapakamatay ng higit 900 katao na miyembro ng kulto ni Jim Jones sa Guyana. Kung ganito naman ang mga ginagawa ng kulto, bakit may naniniwala pa rin sa mga ito?
Ayon sa mga dalubhasa, maraming tao ang naniniwala dahil na rin sa hirap ng buhay at kawalan ng pag-asa na makaahon sa kahirapan. Ang kahirapan ay hindi lang sa pinansiyal, kundi sa masamang kalusugan at personal na problema na rin. Dahil nga sa may pinapangako o inaalay na kaginhawahan ang mga lider ng mga kulto, nahuhulog na rin ang loob ng mga kinauukulan.
Hindi mo rin masisisi ang mga sumusunod at naniniwala, ng dahil na nga sa kahirapan ng buhay. Ang kailangang parusahan ay ang mga lider ng mga ito, lalo na kapag napapatunayan na wala namang katuturan ang mga itinuturo, at makasasama pa sa mga miyembrong naniniwala. Tulad nga ng namerwisyo sa EDSA. Hinuli nga ba iyon, o tinawanan na lang?