KASO ito ni Meldy. Nabaril at napatay ang asawa niyang si Val, isang opisyal na may mataas na ranggo. Sinampahan ng kaso sina Tino, Jimmy, Manny at Gerry dahil sa ginawa nilang pakikipagsabwatan sa isa’t isa upang mapatay si Val. Kinasuhan din si Meldy ng parricide. Dahil sa ginawa niyang pag-uudyok at kapalit ng pera, nagawa ng kalaguyo niyang si Tino na patayin si Val.
Nang sampahan ng kaso, inaresto si Meldy at nakulong. Agad siyang nagpetisyon upang makapagpiyansa. Ayon sa kanya, mahina ang ebidensiya na magdidiin sa kanya sa kaso. Samantala, nang arestuhin si Tino, gumawa ito ng isang sinumpaang salaysay. Inamin niya na si Meldy ang may pakana at nagplano ng nasabing pagpatay. Inamin din niya sa hukuman ang kanyang kasalanan.
Sa paglilitis ng petisyon tungkol sa piyansa, ginamit ng prosekusyon ang testimonya ni Dencio, pinsan ni Tino na nagpahayag na narinig niya at nakita ang pagkainip, desperasyon at pagmamakaawa ni Meldy kay Tino nang magtanong ito tungkol sa planong pagpatay kay Val. Ginamit din ng prosekusyon ang tungkol sa ginawang pag-amin ni Tino sa pakikipagsabwatan niya kay Meldy.
Sa kabila ng lahat ng ito, tinanggap pa rin ng korte ang aplikasyon ni Meldy. Nakalabas siya ng kulungan matapos makapagpiyansa.
Kinuwestiyon ng prosekusyon sa pamamagitan ng kapatid na babae ng namatay ang tungkol sa ginawa ng korte. Ayon sa kanila, inabuso ng husgado ang kapangyarihan nito nang ipahintulot ang pagpipiyansa ni Meldy. Tama ba sila?
TAMA. Ang isang taong kinasuhan dahil sa isang mabigat na kasalanan na ang ipapataw na parusa ay habambuhay na pagkakakulong o reclusion perpetua ay hindi dapat hayaang magpiyansa lalo at matibay ang ebidensiya laban sa kanya.
Ayon sa batas (Rule 114, Sec. 1 & 2, Rules of Court), ang piyansa na ibinibigay ng akusado o ng piyansador ay pinahihintulutan bilang garantiya sa pansamantalang kalayaan ng akusado sa kondisyon na titiyakin ang patuloy niyang pagsipot sa paglilitis sa oras na ipatawag ng husgado. Hindi ito isang karapatan na ginagarantiyahan ng batas. Maaaring hindi tanggapin ang piyan-sa lalo at matibay ang ebidensiya sa isang grabeng kaso o ang tinatawag nating “capital offense”.
Sa kasong ito, hindi naisaalang-alang ng husgado ang katotohanan na mismong ang pumatay na ang umamin at nagturo kay Meldy bilang utak ng krimen o mastermind. Bukod dito, ang pahayag ng pinsan ni Tino na si Dencio na siya mismo ang nakakita at nakarinig sa mga aktuwasyon ni Meldy ay sapat na upang patunayan na matibay ang ebidensiya na may kinalaman si Meldy sa nangyaring pagpatay at siya pa mismo ang instrumento o pasimuno nito. Isang malaking pagkakamali ang ginawa ng husgado nang pahintulutan nito ang pagpapiyansa ni Meldy. Dapat na ipawa-langbisa ang piyansa at arestuhin siyang muli. (Valerio vs. Court of Ap-peals, et.al., G.R. 164311-12, October 10, 2007).