Batas sa Cheaper Medicine Bill, minamadali para pumalpak

KUNG si Cebu Rep. Pablo Garcia, ang tatanungin nagbabala ito laban sa  “unseen hands” na aniya’y nagsu­sulong ng palsong bersyon ng Cheaper Medicines Act sa Kongreso na papabor sa mga multi-national  drug companies.

Ani Garcia, kapag naipasa ang House Bill 2844 ay ito pa ang haharang sa parallel importation ng mas murang gamot kung kaya ito’y pabor sa mga drug companies.

Naku ha!

Ikinuento ni Garcia sa mga kuwago ng ORA MISMO, na makokompromiso ang parallel importation ng gamot sa Pinas, na ginagarantyahan ng probisyon ng Intellectual Property Code (IPC).

“The provisions of the IPC would have sufficed, but then the committee added conditions that would have favored the multinational patent holders. Was it not proper for me to object,” wika ni Garcia, na ang pinapatungkulan ay ang komite ni Rep. Antonio Alvarez.

Sabi ni Garcia, ang  parallel importation ay magbi­bigay ng opsyon sa publiko na bumili ng branded na gamot na ibinebenta ng mahal ng mga multinational drug firms o kaya’y murang bersyon ng katulad na gamot na ini-import ng pamahalaan.

Sinabi ni Garcia na minamadali ang pagpapasa ng HB 2844 upang matulad ito sa Ani-Terrorism Act na madalian ring ipinasa at may maraming palsong probisyon.

Ayon kay Garcia, na sa ilalim ng IPC ay hindi na kaila­ngan pang magdeklara si Prez Gloria Macapagal Arroyo ng national emergency para makapag-import ng gamot, pero sa ilalim ng HB 2844 ay katakut-takot na limitasyon ang ipinasok bago magawa ang importasyon.

Binatikos ni Garcia sina Alvarez at Rep. Ferjenel Biron, ang may-akda ng HB 2844, dahil sa mga pasaring ng mga ito na hinaharang niya ang Cheaper Medicines Bill.

Sabi ni Garcia, ginagawa siyang bandido sa madlang people porke siya ang lumalabas na kontrabida sa nasabing isyu.

Ang politika nga naman!

Abangan.

2008 Year Ng Taasan

Madlang people abangan ang matinding pagtaas ng presyo next year mula sa kuryente, gasolina, tubig echetera.

Kung ngayon kapaskuhan ay nararamdaman ng madlang people ang pagtaas ng mga bilihin wait po tayo next year at makikita natin ang mangyayari.

Abangan!

Pamunuan ng PCSO, read this!

GUSTO ng mga kuwago ng ORA MISMO, na tawagan ng pansin ang pamunuan ng Philippine Charity Sweeptakes Office regarding sa Small Town Lottery na ipinatutupad nila sa buong Pinas puera duon sa may mga ayaw ng STL. Hehehe !

Honorable Sergio O. Valencia, Chairman ng PCSO, Honorable Rosario D. Uriate, general manager at Vice Chairman ng PCSO, Honorable Victor A. Domingo, Director ng PCSO, Honorable Teresita T. Gonzales, Director ng PCSO, Honorable Manuel L. Morato, Director ng PCSO at Atty. Ronald T. Reyes, Board Secretary pakikalkal o pakibusisi ang mga ulat na ipinararating ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, na may mga kubransa sa STL na hindi ipinapasok ng tama sa inyong tanggapan.

Sabi nga, bukol ang gobierno!

Matindi ang mga taong tumataya sa STL lalo’t sa mga probinsiya para magbakasakaling tamaan nila ang jackpot price at pakinabangan dahil hindi biro ang premyo,

Kaya lang ang masama ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, naka-front lang daw ang STL sa kubrahan pero kapag idiniga na ang nakubrang pera dito ay sa jueteng dinadala ang malaking halaga.

Siempre sangkot dito ang mga jueteng lords!

Kaya gustong iparating ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang kagaguhan ginagawa ng mga bugok na nagkutsabahan sa STL pero jueteng pala ay para mabusisi ito ng mga official na binabanggit natin sa itaas.

Kapos ang kolum ng Chief Kuwago kaya hindi na natin mailalagay pa ang mga probinsiyang kinu­kubrahan ng mga kamote dahil madami ito next issue.

Abangan!

Show comments