Credibility crisis ni President GMA

SABI ng Pulse Asia Survey, persepsyon ng nakara­raming Pinoy na si Presidente Arroyo ang pinaka-corrupt President ng Pilipinas. Mas corrupt pa raw kay D’Great Makoy.

Kasi naman, sandamakmak na eskandalo ang ipinukol sa Pangulo. Isa na riyan ang pumalpak na ZNN-Broadband deal. Kahit kinansela na ito ng Pangulo ay nag-iwan pa rin ng pangit na “peklat” sa kanyang pagkatao. Kawalan ng transparency sa implementasyon ng mga proyekto ang dahilan. Dapat pagsabihan ng Pangulo ang mga taga­pagpatupad niya ng proyekto na gawing open book ang mga proyektong isinasagawa para malaman ng taum­bayan ang kaliit-liitang detalye. Ano mang bagay na gawing palihim ay hihinalaing tiwali ng taumbayan.

Dapat tularan ng ibang ahensya ng pamahalaan ang policy ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) sa pamumuno ni Chair Efraim Genuino. Hindi na lingid sa madla ang itinatayong grandiyosong proyekto ng PAGCOR. Ito ang Bagong Nayong Pilipino. Kapag nabuo ang proyekto, makapaghahatid ito ng US$15-bilyong foreign at local investment. Hihikayat din ito sa mga dayuhang turista na dumagsa sa bansa. PAGCOR is pursuing this project with utmost transparency.

Bilyun-bilyon man ang halaga ng proyekto, ni kusing ay walang gastos ang pamahalaan. Puro mga malalaking negosyante ang mamumuhunan mula sa pagtatayo hanggang sa aktuwal na operasyon. Libu-libong employment pa ang lilikhain ng proyektong ito.

Kung gustong malaman ang ibang detalye ng proyekto, mag-log on lang sa www.casinofilipino-online.com. Iyan ang tunay na transparency na dapat tularan ng ibang ahensya ng pamahalaan dahil ang taumbayan ay may karapatang malaman kung saan napupunta ang buwis na ibinabayad nila sa gobyerno.

Ang ganyang estratehiya ay malaking tulong para ma-engganyo ang mga mamumuhunan na sumali sa proyektong ito.

Show comments