^

PSN Opinyon

‘Hustisya para kay Maila...’

- Tony Calvento -
(Unang Bahagi)

Malayo pa ang pinanggalingan ni Vilma Peria upang makausap lamang tayo at mailapit ang kanyang problema. Ang kanyang 12-anyos na anak na babae, grade VI pupil ay walang awang ginahasa, sinakal at nginudngod sa isang sapang mababaw.

Sa Bulag West, Bantay, Ilocos Sur pa galing si Vilma at nagbakasali la­mang na ako’y kanyang makausap. Ang kwento sa nangyari sa kanyang anak na si Maila ang tatalakayin ko ngayong araw na ito.

Pangalawa sa tatlong magkakapatid ang biktimang si Maila. Sa murang edad ay natutunan niyang maging responsible para sa nakababatang kapatid. Siya rin ang madalas umalalay sa kanyang lola na si Bernarda na 65 taong gulang. Parehong may trabaho ang mag-asawang Vilma at Rolando kung kaya’t si Maila ang kasamang nag-asikaso ng bahay kapag wala itong pasok. Si Maila ay Grade VI sa Bulag Elementary School.

September 23, 2007, tulad ng nakasanayan ay maagang umalis sa bahay sina Vilma at Rolando. Bandang 6:00 ng umaga ay papunta na sila sa restaurant na pinapasukan nila. Ang kainan na iyon ay pag-aari ng pinsang buo ni Rolando na si Pablito Peria. Nagsisilbing katiwala silang mag-asawa doon. Kung anumang trabaho ang iutos ni Pablito ay nakahandang gawin ng mag-asawa dahil sa ganoong paraan sila kumikita.

Kinagabihan, bandang 9:00 ng gabi, pauwi na ang mag-asawa sa kanilang bahay. Hindi pa sila nakakapasok sa kanilang bahay nang salu­bungin sila ni Bernarda. Balisa nitong sinabi na nawawala si Maila. Simula ng pasado 5:00 ng hapon ay hindi na nakita ni Bernarda ang kanyang apo. Hindi rin daw ito nagpaalam kung may pupuntahan. Ayon kay Bernarda ay nagsaing pa ng bigas si Maila para sa kanilang hapunan.

“Hindi ugali ni Maila na lumalabas nang hindi nagsasabi sa amin o kaya sa kanyang lola. Alam din niyang hindi siya dapat magtagal sa labas dahil walang mag-aasikaso sa bahay kapag wala kami,” kuwento ni Vilma.

Hindi nag-aksaya ng panahon ang mag-asawang Rolando at Vilma. Agad nilang hinanap si Maila sa kanyang mga kaklase at kaibigan. Lahat ng pinuntahan nila ay walang may alam kung nasaan si Maila. Lahat ng mga lugar-pasyalan sa kanilang lugar ay kanilang pinuntahan ngunit wala pa rin silang nakitang Maila. Ganap na 4:00 ng madaling-araw nang sila ay tumigil muna sa paghahanap.

Labis ang pag-aalalang naramdaman ng pamilya ni Maila nang mga sandaling iyon. Subalit hangga’t maaari ay iniwasan nilang mag-isip nang hindi maganda. Nagpahinga lamang sina Vilma hanggang 6:00 ng umaga at sila’y lumabas ulit para maghanap.

Sumama na rin sa paghahanap ang kanilang mga kamag-anak at ilang kapitbahay. Halos halughugin nila ang lahat ng sulok pero hindi pa rin nila nakikita si Maila. Bandang 7:30 ng umaga nang mapadaan sina Vilma sa may sapa. Nangibabaw ang sigaw ni Vilma at Bernarda sa natunghayan nila sa tabi ng sapa. Nakahandusay si Maila na bahagyang natakpan ng dayami ang ibang bahagi ng katawan. Patakbong nilapitan nina Vilma si Maila. Hindi na mapigilan ni Vilma na mapasigaw muli nang maram­da­mang malamig na ang katawan ng anak.

Agad na nagtungo ang mga pulis ng Bantay Police District. Ayon sa paunang imbestigasyon ay nalunod si Maila sa sapa. Labis naman itong pinagtaka nina Vilma dahil hanggang bukung-bukong lamang ang tubig sa sapang iyon. Hindi man kumbinsido sina Vilma sa impormasyon na iyon ay itinuloy na nilang ipa-embalsamo si Maila. Makalipas ang isang linggo ay inilibing na nila ang anak.

“Hindi ko inaasahang ako ang titingin sa kabaong ng aking anak. Ang magagawa na lang namin ngayon ay alalahanin ang mga magagandang alaala niya para kahit papaano ay hindi kami mahihirapang tanggapin na wala na nga talaga siya,” saad ni Vilma.

Naalala ni Vilma na plano niyang ipatingin si Maila sa hospital nang araw na siya’y natagpuang patay. Nabanggit kasi ni Maila na hindi pa siya dina­datnan ng dalawang buwan.Unang hinala ni Vilma na baka nagdadalang-tao ang anak niya kahit wala itong pinapakilalang nobyo. Naisip din ni Vilma na maiging masuri din ang anak para malaman kung may deperensiya ba ito sa loob.

Mula sa naudlot na pagpapatingin ni Maila ay biglang kinabahan si Vilma sa naisip. “Maari kayang hinalay ang aking anak?” Ito ang katanungang gumulo sa kanya lalo pa’t para sa kanya ay hindi naging kumpleto ang isinagawang imbesti­gasyon. Hindi naging maliwanag kung ano nga ba ang nangyari kay Maila.

Nagtungo si Vilma sa Bantay Police District upang mag-request na isailalim sa autopsy ang katawan ni Maila. Agad na nagsumite ng request sa PNP-Regional Crime Laboratory Office sa San Fernando, La Union para sa isasagawang exhumation sa bangkay ni Maila.

Sa isinagawang autopsy ni Police Chief Inspector at Medico-Legal Officer Nerino Daciego ay may dalawang findings na lumabas. Nabanggit na ang pagkamatay ni Maila ay “suggestive of homicidal drowning.” May mga nakitang external injuries sa katawan ng biktima tulad ng incised wounds sa itaas ng kanyang hita at bandang tiyan. Ang lungs ng biktima ay grossly enlarged dahil sa tubig at tatlong maliliit na bato na pumasok dito. Dito makikita na buhay pa ang biktima nang malunod ito. Subalit ang sapa na binanggit ay hindi malalim kung kaya’t posibleng inilublob ang bata para tuluyang patayin. 

Sumunod ay ang tinatawag na genital finding kung saan nakitang nagkaroon na ng previous sexual intercourse ang biktima. Mas naniniwala si Vilma na hinalay ang kanyang anak kumpara sa posibilidad na nagkaroon na siya ng nobyo noon at hindi niya lamang pinaalam sa magulang. Para kay Vilma ay may kaugnay ang pagpatay kay Maila sa lumabas na resultang hindi na ito birhen. Lumabas man ang resulta ng autopsy ay nanatiling blanko pa rin ang kaso ni Maila dahil wala pang matukoy na suspect.

Ang panalagin ng pamilya ni Maila na sana’y may tumestigo ay dininig ng merong lumabas makalipas ang ilang araw, ang dalawang testigo at nagbigay ng kanilang pahayag ukol sa nasaksihan nilang krimen.

Sa inilabas na testimonya ng dalawa ay positibo nilang tinukoy ang salarin. Isang tao na hindi inaasahan ng pamilya na makakagawa ng kahalayan at brutal na pagpatay sa walang kalaban-labang si Maila.

ABANGAN mga susunod na kaganapan sa kaso ng Rape with Homicide ni Maila EKSKLUSIBO dito lamang sa “CALVENTO FILES” sa “PSNGAYON.”

Alamin ang ibinigay na tulong ni DOJ Secretary Raul Gonzalez sa programa naming “HUSTISYA PARA SA LAHAT” sa DWIZ 882 khz, 3:00-4:00 pm Lunes hanggang Biyernes at 7-8 am tuwing Sabado.  

Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o ‘di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: [email protected]

ANAK

BERNARDA

KANYANG

MAILA

PARA

VILMA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with