Pinakamataas na diplomasya
ANG pag-uusap ng mga head of state ang pinakamataas na uri ng diplomasya kaya ito tinatawag na summit diplomacy. Madalas gawin ito ng mga bansa kung nagiging mahalaga na masyado ang paksa na pag-uusapan at hindi na maaring ang mga mabababang opisyal lamang ang mag-uusap.
Natuwa ako sa narinig ko na si GMA ay nagpahiwatig ng interest na direktang makikipag-usap sa Emir ng Kuwait at inutos daw niya na ayusin ang kanyang pagpunta sa bansang iyon bilang bahagi ng kanyang foreign trip, upang siya na mismo ang humarap sa Emir para hingin ang pagpatawad kay Marilou Ranario o di kaya babaan ang kanyang hatol.
Bagamat sa ngayon ay hindi pa natin matiyak kung matutuloy nga ba ang pagtatagpo ng dalawang head of state, nakatutuwa na ginusto na ito ni GMA at dahil dito ay nagkaroon na ng pag-asa ang pamilya ni Marilou na makikita pa siyang buhay. Ako man ay natuwa at medyo napawi ang aking pagkadismaya sa kakulangan ng pagkilos ng gobyeryo upang tulungan si Marilou.
Ano man ang mangyayari magmula ngayon, sana ay hindi malilimutan ng buong bayan na ang Migrante International ang talagang walang kapaguran na nag-ingay sa kaso ni Marilou at kung hindi nila ginawa yan ay sana hindi na rin natin nalaman ang kanyang kaso.
Salamat sa Diyos at may Migrante at kung wala sila, hindi ko maiisip kung ano ang mangyayari kay Marilou. Sa ngayon, ang naiisip ko na lang ay ang sinasabi ng Migrante na diumano ay may mga 300 pa na mga OFW ang nasa death row sa abroad. Papaano naman kaya ang kaso nila?
Dahil sa pag-iingay ng Migrante, laman ng diyaryo ang kaso ni Marilou, ngunit nakalulungkot na wala tayong naririnig sa gobyerno kung ano naman ang mga hakbang nila upang mailigtas din ang iba pang mga kababayan natin na nasa death row sa abroad.
- Latest
- Trending