EDITORYAL – Kahit saan may suhulan
LAGANAP ang suhulan (bribery) sa maraming bansa sa mundo. At kahit na ang mayayaman at mauunlad na bansa ay hindi ligtas sa suhulan. Iyon nga lang, mas maliit ang porsiyento nang nangyayaring suhulan sa mayayamang bansa kumpara sa mga bansang mahihirap na gaya ng Pilipinas. Kumbaga, mas mayaman ang bansa, mas kaunti ang nanunuhol pero ang kakatwa, mayroon pa rin kahit na kapiranggot na corruption. Ang Pilipinas ay nasa top 10 sa mga bansang talamak ang suhulan. Nakakuha ng 32 percent ang Pilipinas. Ang pag-aaral ay isinagawa ng Transparency International.
Nangunguna ang Cameroon sa mga talamak ang suhulan na sinundan ng Cambodia, Albania, Kosovo, FYR Macedonia, Pakistan, Nigeria, Senegal at Romania. Ayon sa Transparency International, isa sa bawat apat katao ay nanunuhol sa pulis pero mas matindi umano ang ginagawang panunuhol ng mga pulitiko. Hindi naman niliwanag kung paano ang panunuhol ng mga pulitiko.
Ang panunuhol ay karaniwang balita na lamang sa Pilipinas at nangyayari ito araw-araw. Tama ang ang pag-aaral na maraming nanunuhol sa mga pulis. Sa simpleng paglabag lamang sa trapiko ay nangyayari na ang suhulan. Ginagawa ito ng motorista para hindi na siya maabala sa kanyang lakad. Ngayon ay hindi lamang ang pulis ang sinusuhulan ng motorista kundi pati na MMDA traffic enforcers at iba pang nagtatrapik. Karaniwan na ang ganito sa mga lansangan.
Pinakatalamak ang nangyayaring suhulan sa mga tanggapan ng pamahalaan kagaya ng Land Transportation Office, Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue at iba pa. Para maging madali ang transaksiyon, kailangan ang suhol o “padulas”. Hindi tatakbo ang papeles o dokumento kapag walang padulas. Kamakailan lamang, nahuli ng programang XXX ng Channel 2 ang mga empleado ng Customs na tumatanggap ng suhol o lagay. Kitang-kita sa camera ang pagtanggap ng pera. Nang komprontahin ang mga opisyal at empleado, sinabing “pangkape” lang daw ang tinanggap nila.
Hindi lamang ang Pilipinas ang talamak sa suhulan kundi pati mayayamang bansa na gaya ng Switzerland at Sweden. Ang kaibahan, may aksiyong ginagawa sa mga bansang ito para maputol ang suhulan, dito sa Pilipinas, wala.
- Latest
- Trending