Sa isang krimen, mahalagang bagay ang tinatawag na positive identification ng isang testigo sa itinuturong suspect. Ito ay ang walang duda na ang taong iyon mismo ang nakita sa akto na gumawa ng isang krimen.
Paano ba uusad ang kaso kung ang pinagbabatayan ay circumstantial evidence at gaano ba katimbang ito sa mata ng isang investigating prosecutor o huwes?
Ito ang kasong tampok namin ngayon na inilapit sa aming tanggapan ni Conchita Tagaro ng Chrysanthemum St., Area-C, Camarin Caloocan City ukol sa pagpatay sa kanyang anak.
Hinid lingid sa kaalaman ni Conchita ang hilig ng kanyang anak na si Ronilo, 36 taong gulang. Bago ito umuwi mula sa trabahong pagbebenta ng herbal medicine sa Quiapo ay dadaan pa ito sa mga kaibigan upang maglaro ng cara y cruz. Bilang isang ina ay pinagsasabihan niya ang anak na iwasan ang larong iyon dahil nasasayang lang ang pera nito lalo pa’t may asawa na ito.
November 14, 2007, bandang 6:00 ng umaga ay lumabas ng bahay si Ronilo at ang asawa nitong si Tessie. Si Ronilo ay papuntang Quiapo upang magtrabaho at si Tessie naman ay pauwi ng Bulacan dahil kaarawan ng kanyang magulang.
Kalapit-bahay lamang ang tinitirhan ng mga kapatid ni Ronilo na sina Elizabeth at Reynaldo. Bago ito tumuloy sa pupuntahan ay dumaan si Ronilo sa mga kapatid upang ipaalam na baka luluwas siya sa Bulacan pagkatapos ng trabaho.
Bandang 9:00 ng gabi nang marinig nina Elizabeth at Reynaldo na may tumatawag sa kanila sa labas. Nakita nila ang kanilang kapitbahay na si Jason na tila balisa ang mukha. Nagulat sila sa sinabi nitong “Si Ronilo, patay na!” Namutla si Elizabeth sa narinig kaya agad na pinayuhan ni Reynaldo na sila na lamang ang pupunta kay Ronilo.
Agad na lumabas si Reynaldo kasama ang asawang si Marites upang puntahan ang lugar na kinaroroonan ni Ronilo. Pamilyar sa kanila ang lugar na binanggit ng kanilang kapitbhay kung saan pinatay si Ronilo. Malapit din sa kanilang lugar ang bakuran na madalas dinadaanan ni Ronilo para maglaro ng cara y cruz.
Sa gitna ng maraming tao na nakikibalita sa nangyari ay nakita nina Reynaldo at Marites ang nakahigang katawan ni Ronilo. Akma nila itong lalapitan ngunit pinigilan sila ng mga tanod. Hintayin na lang daw muna ng mga pulis. Nagpakilala ang dalawa na kapamilya ng biktima ngunit hindi pa rin sila pinapasok sa loob ng bahay.
Hindi man nila ito nalapitan ay nakita nila ang hitsura ni Ronilo na nakahandusay sa sahig. Duguan ito sa ulo at halos dumaloy na sa kanal ang lumalabas na dugo. Ang mga braso nito ay nakataas at bahagyang nakatakip sa mukha nito. Ayon sa narinig nila sa mga tao sa paligid ay tatlong beses silang nakarinig ng putok ng baril.
Kinausap ng mag-asawa ang may-ari ng bahay na nagpakilalang Junior upang alamin kung ano ang nangyari. Ayon dito ay kakarating lamang niya sa bahay at nadatnan na lang niyang maraming tao sa kanila. Ayon dito ay hinayaaan niyang maglaro ang mga kaibigan niya sa bakuran nila. Nabanggit din nito na kinabahan din siya nang mabalitaan ang nangyari dahil nasa taas lamang ang kanyang dalawang anak na dalaga.
Hindi nagtagal ay dumating ang mga pulis ng Caloocan Police District. Hinanap ng mga ito ang mga kasama ni Ronilo bago nangyari ang krimen. Dalawang testigo ang lumabas para ikuwento ang kanilang mga nakita nang gabing iyon.
Ayon sa sinumpaang salaysay ni Romeo Bautista, bago mangyari ang insidente ay naglalaro silang magkakaibigan ng cara y cruz. Siyam lahat silang naglalaro kasama si Ronilo at ang isang Glen Domingo na siyang tinutukoy na respondent sa kasong ito. Naunang umalis si Glen kasama ang isa pa nilang kalaro na si Tally Delos Reyes.
Nagpatuloy sina Romeo sa paglalaro. Nagulat sila nang bigla na lang narinig ang putok ng baril. Nagkanya-kanyang takbuhan ang mga naglalaro. Huling tumakbo si Romeo nang marinig pa niya ng sumunod na dalawang putok. Dagdag ni Romeo na nakita niyang naka-bonnet ang taong bumaril kay Ronilo.
Subalit kahit naka-bonnet ito ay tinukoy niyang si Glen ang taong iyon dahil kilala niya ang tindig nito at pangangatawan. Nakita din niya si Glen kausap ang kapatid na si Allan sa madilim na lugar pagkatapos nabaril si Ronilo. Napansin din nito ang isang single XRM na motorsiklo sa tabi nito.
Si Glen din ang iniuugnay ni Jerome Ventura sa nangyaring pamamaril kay Ronilo. Ayon sa kanyang sinumpaang salaysay ay bago pa niya napag-alaman ang nangyari kay Ronilo ay nakasalubong niya si Glen na nakasakay sa isang single XRM na motorsiklo na kulay itim. Nakasuot ito ng bonnet na nakatiklop kaya kita ang mukha nito.
Halos dalawang metro lamang ang layo ni Jerome kay Glen. Napansin niya ng mga oras na iyon na parang balisa si Glen at hindi nito malaman kung saan pupunta. Pinaharurot ni Glen ang kanyang motor nang napansin niyang palapit na ang sasakyan ni Jerome.
Ayon naman sa mga bali-balitang narinig ni Marites, bago nangyari ang pamamaril ay malapit nang matalo si Ronilo sa laro. Nagpumilit pa rin daw itong maglaro at nagboluntaryong taga-hagis na lang ng barya. Naniniwala si Marites sa narinig dahil nang makita niya ang pitaka ni Ronilo ay singko na lamang ang laman nito.
Sa mga nakalap na testimonya ng mga testigo ay naghain ang Caloocan Police District ng kasong Murder laban kay Glen.
Sa mga nakitang tama ng baril ni Ronilo masasabing malaki ang galit ng pumatay sa kanya. Binaril siya sa baba, sa kanang balikat at sa likod ng kanyang ulo na daglian niyang ikinamatay. Hindi matukoy ng pamilya ng biktima kung sino ang kagalit nito pero malakas ang pakiramdam nilang ito’y nag-ugat sa hilig niya sa sugal. Nabanggit din ni Conchita na may duda siyang gumagamit ng droga ang anak niya.
Sa ganang akin lang ay maski nahilig pa sa sugal ang biktima o nasangkot sa paggamit ng droga, biktima dito si Ronilo. Posibleng nagkaroon ng malaking utang ang biktima dahil wala siyang kontrol sa paglalaro para makabili ng droga. Ang mga ito ang maaaring magsilbing motibo sa pagpatay sa kanya.
Tungkol naman sa mga salaysay ng mga testigo, nakikitang problema dito ay walang positive identification kung si Glen nga ang pumatay mismo kay Ronilo. Subalit kahit circumstantial evidence ang lumalabas ay mabigat pa rin ito para mabuo ang isang pattern na maaring magbigay ng linaw sa nangyaring krimen.
Para naman sa mga taong may nalalaman sa pagpatay kay Ronilo Tagura, huwag kayong matakot na lumabas para makapagbigay ng inyong pahayag. Handang magbigay ng kaukulang proteksyon ang Department of Justice sa pamumuno ni Sec. Raul M. Gonzalez sa pamamagitan ng Witness Protection Program.
Para sa mga biktima ng karahasan, pang-aabuso o anumang krimen o legal problems maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong mag-text sa 09213263166 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
E-mail address: tocal13@yahoo.com