NAGBABAKBAKAN pa ang pulis at mutineers sa Makati nu’ng Huwebes ng dapithapon, kumalat na ang text joke: “Mga leksiyon sa insidente ng araw na ito: (1) kaya palang lakarin mula Makati court hanggang Peninsula Hotel; (2) mas matindi ang teargas kaysa machinegun; (3) kasya sa hotel ang tangke; (4) pati reporters pala hinuhuli; (5) uso na uli ang curfew.”
Puwera na biruan, lima rin ang napansin kong leksiyon mula sa pagtawag nina Sen. Sonny Trillanes at Gen. Danny Lim ng people-power. Mga leksiyon ito kung bakit nabigo sila:
Una, walang taksan-taksan na middle class. Umaambon kasi nu’ng Huwebes sa Kamaynilaan; ayaw nila mabasa sa ulan. Tapos piyesta-opisyal pa sa susunod na araw, Bonifacio Day; long weekend na pinlano na sa out of town trips imbes na mag-people power. Mas matindi, magpa-Pasko na; ayaw ng Pilipino ng gulo sa Pasko. Sa kasaysayan, makalipas-Pasko nagaganap ang malalaking political events: First Quarter Storm, Jan.-Mar. 1970; EDSA-1, Feb. 1986; EDSA-2, Jan. 2001. Pati ang pagsiklab ng Filipino-American War at ang Sakdal Revolt ay pagkalipas ng holidays.
Ikalawa, dahil walang people power, hindi lumitaw ang suportang hinihintay nina Trillanes at Lim mula sa militar. Ang militar kasi, atubili mabansagang coup plotters kung walang civilian component ang aksiyon. Sabi ng PNP-Intelligence, dalawang grupo ang nakaakmang sasali nu’ng Huwebes pero umatras nang walang dumagsang tao sa Makati.
Ikatlo, walang suporta ng simbahan. Meron ngang isang obispong Katoliko sa Manila Pen, pero retirado na, at isang pari, na sa Hong Kong na naka-assign. Hindi dumagsa ang mga lider Katoliko, Protestante o Born-Again para manawagan sa mga kasapi na magmartsa.
Ikaapat, walang pondo ang mutiny. Halatang hindi sila tinustusan ng mga negosyanteng dati nang sumusuporta sa people power. Maski si Makati Mayor Jojo Binay, maski taga-Oposisyon, hindi nakipondo.
Ikalima, walang suporta ng America. Sa tingin ng Washington, iisa lang naman ang tabas ng administrasyon at oposisyon: Parehong kawatan.