LIPAS na ang araw ng pagtatakip sa isyu: Pinasya na ng United Nations na hindi kapani-paniwala ang palusot ng gobyerno ng Pilipinas na kesyo internal purge ng New People’s Army ang sanhi ng daan-daang patayan at kidnapping. Oras na para tuparin ng gobyerno ang tungkulin: Tugisin ang mga salarin, at ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan na magsalita, magtipon at dumaing.
Mula pa 2001, nang maupo si Gloria Arroyo, isinigaw na ng human rights activists ang kalagiman. Dinadampot ng militar ang mga repormista at peryodista; kung matagpuan pa sila ay patay na. Hindi sila pinansin ng gobyerno. Ang resulta: Mas malalang lagim nang dumami pa ang mga pinatay at kinidnap dahil wala namang sinasakdal.
Bumisita sa Pilipinas si U.N. rapporteur Philip Alston para mag-imbestiga. Aba’y mahigit 800 na pala ang biktima, nadiskubre niya. Pero wala ni isang na-convict sa mga nambusabos sa mga repormista, at anim lang sa 55 pinatay na mamamahayag ang may sinampang kaso. Sa talaan ng pulis noon, halos 200 lang ang kaso, one-fourth ng alam ni Alston.
Nagpalusot ang gobyerno na kesyo hindi nito kinukunsinti kundi kinasusuklaman ang mga krimen. Pero tumataginting ang 800 insidente na walang hustisya at dumadami pa. Ibinida rin ng gobyerno ang pagtatag ng special courts para litisin ang human rights abuses, ang pagbuo ng Melo Commission (itinago naman ng Malacañang ang report), at ang pagbuo ng PNP Task Force Usig na nakalutas ng dalawang dosenang kaso. Magaling lahat ‘yan, ani Alston. Pero napansin niya na takot ang pulis umakto sa kaso kung sundalo ang sangkot. At may maling paniniwala ang pulis na okey lang pumatay at kumidnap ang militar. At masyadong malapit ang mga opisyales ng pulis at militar dahil magkasama sa military academy o counter-insurgency operations.
Dahil sa pagpatay at pagkidnap sa mga lider ng mamamayan, nawalan ng taga-analisa ng isyu at taga-organisa ng pagkilos. Napadali ang pagnanakaw ng mga lokal at pambansang opisyales.