SI Marilou Ranario, 35, taga-Surigao del Norte, graduate ng Education ay nangarap na maging titser upang kasabay ng paghahanapbuhay ay magabayan din niya sa paglaki ang kanyang dalawang anak na sina Raffy John, 13, at Roselle, 11.
Ninais niyang mabigyan ng maluwag na buhay ang kanyang pamilya kaya noong 2003 ay nag-abroad siya at nagtrabaho bilang DH sa Kuwait. Pero dahil minamaltrato umano siya ng kanyang among babae ay napatay niya ito noong Enero 2005.
Noong Setyembre 2005 ay idineklara ng mababang hukuman ng Kuwait na guilty siya sa kasong murder at hinatulan ng bitay.
Inapela ang kaso. Noong Pebrero 2007 ay kinatigan ng Kuwaiti Court of Appeals ang desisyon ng mababang hukuman. Idinulog ito sa Kuwaiti Court of Cassation (katumbas ng Korte Suprema ng Pilipinas) para sa final appeal, pero pinagtibay din nito ang naunang hatol. Batay umano sa sistema ng batas sa Kuwait, bibitayin si Marilou makalipas ang dalawa hanggang apat na buwan mula ngayon.
Pero may pag-asa pang maisalba ang buhay ni Marilou. Ito ay kung patatawarin siya at bibigyan ng clemency ng Emir o pinuno ng Kuwait na si Sheikh Sabah al-Ahmad al-Sabah.
Sa buong panahon ng kaso ay grabeng hirap at pasakit pa umano ang dinanas ng pamilya ni Marilou, partikular ng kanyang 64-anyos na tatay na si Mang Rosario, sa pag-follow-up sa kaso at paghingi ng ayuda mula sa mga ahensya ng ating pamahalaan.
Ang aking anak na si Senate president Jinggoy Estrada ay tumulong kay Mang Rosario at sa grupong Migrante International na malaman mula sa Department of Foreign Affairs ang tunay na kalagayan ni Marilou.
Marami pang aksyon at panalangin ang kailangan para mailigtas si Marilou. Kailangan ang apela sa Kuwaiti Emir. Nawa ay kumilos nang sapat at mabilis ang pamahalaan.
* * *
Para sa mga kababayang naghahanap ng serbisyo publiko, maari kayong lumiham sa opisina ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada sa Room 602, Senate of the Philippines, GSIS Bldg., CCP Complex, Pasay City.
Ipagpaumanhin ninyo at hindi matutugunan ang mga solicitation letter.