KUNG ang slogan ni presidential wannabe Manny Villar ay “sipag at tiyaga” ang nakikita natin sa gobyerno ngayon ay sipa at taga. Marami nang nagsisipaan at nagtatagaan para umagaw ng eksena sa nalalapit na presidential elections sa 2010.
Sipa at taga rin ang nakikita natin sa bulok na sistema ng pamahalaan. Sipa as in “sipang patalikod” o kickback at “taga” o ang pabalbal na taguri sa mga limpak-limpak na komisyon sa mga proyekto ng gobyerno. Palibhasa, marami sa mga taong gobyerno (hindi ko nilalahat) ang miyembro ng KKK as in “kanya-kanyang kurakot.” Matatalas ang tabak ng mga diyaske! Paghalibas ng itak, komisyong sangkatutak mula sa mga suppliers o contractors na nakahahagip ng mga proyekto ng pamahalaan kahit walang public bidding.
Nagpapatawa lang tayo ng bahagya pero iyan mismo ang sistemang gusto nating mapalitan matapos ang 2010 polls. Pero base sa mga nakikita natin sa mga pumupusturang presidential timbers, sino ang makagagawa ng ganyang radikal na reporma? Kakainis! Mula nang mapatalsik si D’Great Makoy, umasa na ang bawat Pinoy na bubuti ang kalagayan ng kanilang buhay. Mahigit dalawang dekada na ang nakaraan at apat na Pangulo na ang nagpasalin-salin. Lalong sumasama ang kalagayan bayan. Bumubuti raw ang ekonomiya, sabi nila ngunit ito’y hindi nararamdaman ng taumbayan.
Pumorma na sina Villar ng Nacionalista at Roxas ng Liberal. Maraming iba pa na hindi na natin babanggitin ang pangalan ang nagpahayag na ng intensyong tu makbo sa pagka-pangulo ng bansa. Sa nakikita nating kawalang-pagkakaisa ng oposisyon na hati sa iba’t ibang paksyon, mukhang imposible ang minimithi nating reporma.
Kung hindi isasaayos ng oposisyon ang hanay nito, walang patutunguhang maganda ang political situation natin. Kahit sinabi ni Joseph Estrada na hindi na siya tatakbo matapos mapalaya, malamang kumandidato siyang muli sa pagka-pangulo, at ang posibilidad na manalo siya ay malaki. Napakalaki.