(Unang Bahagi)
ILANG magulang ang nagbigay ng reaksyon sa aking kolum noong Sabado at Martes (Mas Makabuluhang Edukasyon) tungkol sa pangunahing karapatan at tungkulin nila sa pagtuturo ng kanilang mga anak, partikular sa pagtuturo ng sex at sex education. Di maikakaila na ang kanilang tugon ay karaniwang problema ng mga magulang hindi lamang sa Pilipinas kundi sa ibang bansa na rin. Totoong marami sa mga magulang ang nakadaramang hindi sila komportable at hindi rin handang gumanap sa ganitong tungkulin hindi lamang dahil sa generation gap ng magulang at anak, kundi lalo’t higit dahil sa kaabalahan nila sa trabaho na sanhi rin ng kawalan ng de-kalidad na panahong dapat sana’y gugulin sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Talaga namang mahirap itong gampanan ng mga magulang kung nahihirapan sila maging sa pagha-nap ng ikabubuhay.
Ngunit hindi sapat na dahilan ang problemang ito para akuin ng Estado ang naturang papel at walang pasintabing hayaan ang mga guro, na karamihan ay walang sapat na kahandaan, na gumanap ng maselang tungkulin. Sekondarya at pansuporta pa rin ang papel ng Estado sa ganitong sitwasyon. Hindi nito dapat desisyunang mag-isa ang pagsasama sa kurikulum ng paaralan ng mga modyul sa sex education na ibinigay ng mga banyagang ahensiya, kasama ang malaking pondo, para maturuan ang mga bata na gumamit ng kontraseptibo at iba pang makabagong paraan ng pagkontrol sa panganganak na napatunayan na ng medisinang makasasama sa kanilang pisikal at ispiritwal na kalagayan. Sa madaling salita, kung ituturo man sa mga paaralan ang sex education, marapat lamang munang isangguni, ipaalam at ihingi ito ng permiso sa mga magulang upang matiyak na aayon ito sa mga tradisyonal na pagpapahalagang Pilipino at paniniwalang panrelehiyon. Dapat lamang na magkasama sa pagkilos ang mga magulang at Estado sa pagtuturo ng sex at sekswalidad, habang magbibigay lamang ng mga kinakailangang tulong ang Estado.
(Itutuloy)