Hindi dapat pinardon sina Estrada at Martinez
NANG i-pardon ni President GMA si ex-President Estrada, naisip ko nang may mga bilanggo rin na maiinggit at hihilinging sila rin ay magawaran ng pardon. Lalo pa ngayon na pinardon ni GMA si Master Sgt. Pablo Martinez, isa sa mga akusado sa Aquino-Galman murder case.
Nabulabog ang mga bilanggo lalo na ang mga matagal nang nakakulong. Tiyak na aandar ang palakasan at padrino system para mapabilang sila sa listahan nang mapa-pardon. Kaya kasunod ng paglaya ni Martinez ay agad nabalita na ang mga kasamahan niya ay dapat din daw mabigyan ng pardon.
Ngayon lamang naging kontrobersiyal ang bigayan ng pardon. Dati ay walang pumapansin kung sino ang mga napa-pardon ng Presidente. Ang pagpardon ni GMA kay Estrada ay may bahid na ng pamumulitika
Noon pa, nahulaan ko nang bibigyan ng kulay-pulitika ang pag-pardon ni GMA kay Estrada lalo pa at hindi masyadong maliwanag ang mga basehan at kondisyon ng pagpapalaya sa ex-president.
Malaking gulo kapag may malaking tao o kilalang pulitiko ang mabibigyan ng pardon ni GMA. Siguradong babatikusin siya kaliwa’t kanan. Gaya ngayon na nababalitang may mga maimpluwen siyang pulitiko na pinaghahandaan nang ihingi ng pardon kay GMA katulad ni ex-Reps. Romeo Jalosjos at Jose Villarosa. Sample pa lamang sila sapagkat marami pa ang nakalinya.
Malaking gulo ang ginawa ni GMA na pag-pardon kay Estrada at kay Martinez. Dapat magdahan-dahan ang Presidente. Pag-aralan niyang mabuti ang paggawad ng pardon sa mga bilanggo sinuman. Hindi niya dapat paniwalaan ang rekomendasyon ng kanyang mga tauhan.
- Latest
- Trending