SALAMAT naman at hindi na naminsala ang bagyong Mina sa Bicol, at lumihis pataas papuntang Hilagang Luzon, at humina pa nang tumama sa Isabela. Ang Kamaynilaan ay hindi nakaranas ng epekto ng bagyong ito. Ang magandang nakita sa ating mga kababayan ay naghanda sila sakaling tumama nga ang malakas na bagyo. Lumikas ang mga nasa mabababang lugar sa Bicol, tinanggal ang ilang billboard sa Metro Manila, nagbilihan ng kandila. Pinaghandaan talaga nilang mabuti. Hindi na baleng handa at hindi tumama ang bagyo, kaysa tumama na hindi handa. Malakas ang pagdarasal ng mga tao, at nakinig ang maawaing Diyos.
Ang nakapagtataka ay ang pagbabalik ng bagyong Lando matapos humampas sa Vietnam! Parang hinatak ni Mina si Lando pabalik ng Pilipinas! Sana naman hindi na malakas ang hangin ni Lando.
Sinisisi naman ang PAGASA sa mga maling prediksyon ukol sa dadaanan ni Mina. Ayon naman sa PAGASA, maraming puwedeng mangyari talaga sa pagbaybay ng isang bagyo, at pinag-aaralan nila ang pinakaposibleng daan. Hindi naman talaga eksaktong siyensiya ang paghuhula sa panahon. Ganundin ang panghuhula ng pagsabog ng isang bulkan at lindol. Wala naman talagang eksakto pagdating sa lagay ng panahon. At ito ay isang pagkakataong mas mabuti na magkamali kaysa maging tama. Isipin na lang natin ang danyos na naman sa Bicol kung tumama nga ito ng todo-lakas! Baka mas masama pa ang nangyari kaysa sa Reming noong isang taon.
Sana wala nang bagyong dumating para hindi masira ang kapaskuhan natin. Mabigyan naman sana tayo ng pagkakataong maging masaya kahit sa simpleng paraan lang. Marami na rin kasing bagyo ang dumaan sa atin galing sa kasalukuyang administrasyon. Sa katunayan, ang tunay na bagyo lumilipas pero ang bagyo ng katiwalian at anomalya, nananatili at hindi nalilimutan.