Matagal na tayo inaapi ng iilan
KASISILANG pa lang ng Republika nang magtanong si Presidente Emilio Aguinaldo kung paano mapagkakaloo-ban ng asyenda sa Pampanga ang isang kaibigang heneral. Nagitla ang tagapayo na si Apolinario Mabini. Ano’ng sasabihin ng taumbayan, aniya, “kung tayong mga nasa poder ay aabusuhin ‘yon para sa sariling interes?”
Sa kasalukuyang gobyerno, makikita nating pinaparte ng Presidente at mga alipores ang yaman ng bayan. Kapag napapuwesto ang oposisyon, sila naman ang nagsasamantala. Nilista ng mga kritiko ang marami nang atraso ng Arroyo administration: Malacañang payolas, ZTE scam, Piatco scam, Impsa scam, Comelec automation scam, Venable deal, Macapagal Boulevard scam at Jose Pidal unexplained wealth. Bilyun-bilyong piso na ang kinurakot nila. Pero nu’ng oposisyon ang nakaupo, pinagkitaan nila ang jueteng, Comelec deals, BW Resources scam gamit ang pera ng SSS at GSIS, sa Piatco at Impsa rin. Sa madaling salita, walang pinagkaiba.
Kung itutuloy ang salaysay nina Aguinaldo at Mabini, mababatid na nanaig ang pagka-makasarili kaysa -makabayan. Hindi nga nabalatuan ng lupain ang katotong heneral. Pero, ayon kay historian Teodoro Agoncillo, tinalikuran si Mabini ng mga elitista sa Malolos Congress, at sinolo nila ang pamamahagi ng yaman ng bayan. Pati mga kaaway ng Katipunan at ng Rebolusyon ay ipinu-westo — dahil kaibigan, kadugo o kauri ng mga nauna sa poder. At, patuloy naman ng Philippine Center for Investigative Journalism, pinagharian ng iilang pamilya ang mga probinsiya.
Fast forward muli tayo sa kasalukuyan, mapapansin na pinatawad ng nakapuwesto ang dating kaaway na sinentensiyahan ng plunder. At hindi malaman kung sino ang maka-administrasyon o maka-oposisyon. Naghalo, nagkaisa na sila. Ang hangad lang ay makuha ang pork barrel at iba pang komisyon mula sa kaban ng bayan.
- Latest
- Trending