HINAMON ng barilan ni SPO4 Pablo Temenia ang tatlong police na naka-assign sa City Hall detachment ng Caloocan City. Ang dahilan mga suki? Hindi nagustuhan ni Temenia ang pangri-raid ng tatlong pulis na sina PO1s Gabriel, Larugal at Adriano ng mga video karera sa Dagat-Dagatan. Ika nga, nagkagulo ang tabakuhan sa Caloocan City at mukhang patong dito si Temenia, ang hepe ng Special Operations Group (SOG) at warrant section ng local police. Sa kagandahang palad, PNP chief Dir. Gen. Avelino Razon Jr., Sir, hindi naman pinatulan ng tatlong bagitong pulis ang inasal ni Temenia, na mukhang malakas ang kapit sa hepe ng Caloocan City police chief na si Supt. William Macavinta, na inaanak ni Presidente Arroyo. Ang huling balita ko balak kasuhan ng tatlong pulis si Temenia, he-he-he! Pulis laban sa kapwa pulis ang awayan sa hurisdiksiyon ng inaanak ni GMA na si Macavinta.
Nagsimula ang gulo ng utusan ng hepe ng City Hall detachment na manghuli ng video karera machines ang tatlo niyang bagitong pulis. Siyempre, tumalima lang ang tatlo sa utos ng kanilang amo at hindi man lang iniimbestigahan kung sinu-sino ba ang masasaktan sa gaga-win nila. Nagkataon na patong pala si Temenia sa operator ng video karera na ginalaw nila kaya nag-aalboroto ang kumag. Kung sabagay, sino ba naman ang matutuwa kung nakatimbre na nga sa pangkalahatan ang video karera eh kukumpiskahin pa? At ang gagawa niyan ay mga bagitong pulis pa? Sa lagay kasi, bilang hepe ng SOG ang lingguhang intelihensiya hindi lang sa video karera kundi maging sa iba pang sugal-lupa ay dumadaan dito kay Temenia.
Sa maikling pananalita, bagman ni Macavinta si Temenia, anang mga kausap ko diyan sa Caloocan City. Kasi kung hindi masawata ni Temenia ang pangri-raid ng City Hall detachment, ang malalagay sa kahihiyan ay siya at ang amo niya na si Macavinta. Sino ba naman ang papayag na may lingguhang intelihensiya ka na eh mangri-raid pa sa puwesto mo, di ba mga suki? Ano ang silbi ng intelihensiya mo? Eh nakabawas ng pagkalalaki ‘yan kaya abot‚ langit ang galit ni Temenia sa tatlong bagitong pulis.
Kung ako si General Razon, iutos niya kay Macavinta na sibakin sa puwes-to si Temenia dahil naka- kahiya sa buong PNP ang panghahamon niya sa tatlong bagitong pulis. Imbes na turuan niya ng magandang asal ang tatlong pulis, eh ipinakita niya ang kawalanghiyaan niya. Sa tingin ko hindi dapat magtagal sa puwesto si Temenia. Hindi siya dapat pamarisan ng mga kapwa-pulis niya.
Sa ngayon, may tension sa pagitan ng taga-City Hall at ng kampo ni Temenia at kapag hindi umaksiyon sina Macavinta at NPD director Chief Supt. Pedro Tango, aba baka lumala pa ito. Sa pagkaalam ko, malapit nang ma-promote si Tango — sa PRO5 sa Bicol ba Sir? At kapag hindi niya maayos ang sigalot ng mga tauhan niya tiyak mabubura na naman ang pangalan ni Tango sa PRO5.
Abangan!