‘Moral revolution’ sa gobyerno
MAGANDA ang mungkahi ni Speaker Jose de Venecia kay President GMA na kailangan na ng “moral revolution” sa gobyerno. Ibayong paglilinis sa gobyerno maging ito ay sa executive, legislative at judiciary at mga local na pamahalaan.
Nang marinig ko ang mungkahi, hindi ko kaagad binigyang-pansin. Kasi’y beteranong pulitiko si De Venecia at isa sa mga nagpapatakbo ng pamahalaan na pinuputakte ng mga anomalya. Ngunit ngayong nag-aaway si De Venecia at mga kasamahan sa administrasyon, mukhang hanggang leeg na rin ang kasamaang nararamdaman ng speaker kaya “moral revolution” na ang kanyang panawagan.
Sumang-ayon ang Catholic Church sa pangunguna ni Ricardo Cardinal Vidal, Mike Velarde ng El Shaddai, Eddie Villanueva ng Jesus is Lord, Bishops Benny and Reuben Abante at iba pa.
Sinabi ni De Venecia na iminungkahi niya kay GMA na mag-create ito ng high level council on moral reform and national renewal para malabanan ang corruption. Kung papayag si GMA sa mungkahi ni De Venecia, maganda ito. Isa pa rin na gusto kong malaman ay kung ano ang magiging kasagutan ni GMA sa sinabi ni De Venecia na “The first test of wisdom is to tell the truth. But first is to admit that we are all sinners.”
Naniniwala ako sa “moral revolution”. Dapat itong mangyari sa bansa. Bow ako kay speaker sa panukala niya. Kailangang umpisahan na ni GMA katulong ang mga naninilbihan sa pamahalaan. Sinabi pa ni De Venecia “This is the final hope for our country, our people and our children.”
- Latest
- Trending